Sa kanyang Instagram page, nag-post ng mensahe ang award-winning OPM artist tungkol sa kanyang natupad na pangarap kasabay ng pagpapasalamat sa lahat ng tumulong sa kanya para marating ang kinalalagyan niya ngayon.
Aniya, kung hindi dahil sa mga taong nagtiwala sa kanyang kakayahan bilang isang musikero ay hindi niya matutupad ang ultimate dream niyang maging rapper.
Ipinost ni Gloc-9 sa Instagram ang kanyang graduation photo nang maka-graduate siya sa kursong Nursing, mahigit 10 taon na ang nakararaan.
Sabi ng rapper, pagkatapos niyang makuha ang kanyang diploma ay dumiretso agad siya sa pagtupad sa kanyang pangarap, at yan nga ay ang pagra-rap at pagsulat ng mga kanta.
“11 years ago today nag-graduate ako sa kursong Nursing kahit napalapit ako sa propesyong ito dahil sa puso at koneksyon mo sa tao mas pinili ko pa rin ang rap,” sabi ni Gloc-9 sa caption.
Aniya pa, “Napatunayan ko din na kung mahal mo ang pipiliin mo hindi ka magkakamali. Pero alam ko din na hindi ako habang buhay magra-rap.”
Naniniwala naman si Gloc-9 na hindi naman siya forever magra-rap at darating din ang panahon na magpapaalam din siya sa entertainment industry para bumalik sa tinapos niyang course.
“Darating din ang araw na babalik din ako sa kung ano ang tinapos ko. Kung mangyayari man ‘yun, gusto kong magpasalamat ng lubos dahil tinupad ninyo ang pangarap ko,” ang mensane pa ni Gloc-9 o Aristotle Pollisco sa totoong buhay.
Ilan sa mga pinasikat na kanta ni Gloc-9 ay ang “Lando,” Sirena,” “Simpleng Tao” at “Upuan.” Taong 2003 nang ilabas ng Star Music ang album niyang “G9” hanggang sa unti-unti na siyang nakilala sa larangan ng pagra-rap.
Last February, inilabas naman ni Gloc-9 ang kanyang album na “Poot at Pag-Ibig” sa kanyang YouTube channel.