John Lloyd makakatrabaho nga ba si Willie sa bagong project?

KANYA-KANYANG hula ngayon ang mga netizens, lalo na ang mga loyal fans ni John Lloyd Cruz kung ano ang nilulutong pasabog ng grupo ni Willie Revillame para sa nagbabalik-showbiz na aktor.

Marami ang na-curious sa isang Facebook post ng negosyante at event producer na si Sam Verzosa kung saan makikita nga si Lloydie na kasama nila sa kanilang mga litrato na kuha sa isang beach resort.

Bukod kay John Lloyd, kasama rin sa mga FB photos ni Sam ang ilang kilalang personalidad sa entertainment industry kaya naman mas lalo pang na-excite ang madlang pipol.

Bukod kay Willie, kasama rin nina Lloydie at Sam sa picture sina Malou Santos, Bobot Mortiz at Cathy Garcia-Molina.

“Sorrounded by ICONS in their industry.. award winning actor (jl aka popoy), host (kuya wil), directors (direk bobot and direk cathy molina), producer (Malou Santos) of Star Cinema,” ang caption ni Sam sa mga nasabing litrato.

Wala namang ibinigay na iba pang detalye si Sam Verzosa kung bakit kasama nila sina John Lloyd, Willie, Direk Cathy at Direk Bobot pati na ang ABS-CBN executive na si Malou Santos.

May mga nag-comment sa nasabing FB post at nagtanong kung ano nga kaya ang dahilan ng kanilang pagkikita-kita ngunit mas marami kaming nabasang mensahe mula sa netizens na nanghihingi ng tulong kay Willie.

Kung matatandaan, naglabas ng official announcement ang talent agency ni Maja Salvador na Crown Artist Management na pumirma na ng kontrata sa kanila si John Lloyd kasunod ang bonggang video ng pag-welcome nila sa pagbabalik ng Box-Office King.

Huling napanood si John Lloyd sa pelikulang “Finally Found Someone” noong 2017, ito ang reunion movie nila ni Sarah Geronimo mula sa ABS-CBN Films at Star Cinema.

Read more...