Kilalang vlogger, 50 iba pa natiketan matapos lumabag sa health protocols

LUMABAG sa health and safety protocols ang kilalang vlogger na si Toni Fowler pati na ang kanyang mga tagasuporta.

Sinita at inisyuhan ng ticket ng mga operatiba ng Quezon City Task Force Disiplina ang grupo ni Toni matapos mahuling lumalabag sa ipinagbabawal na mass gathering o pagtitipun-tipon sa isang lugar na nasa community quarantine.

Ito’y matapos ngang mag-organisa ng meet-and-greet event si Toni sa kanilang tindahan ng frozen products na matatagpuan sa Cubao, Quezon City kahapon.

Base sa police report at sa salaysay ng vlogger, nasa 50 katao raw ang nagparehistro sa kanyang meet-and-greet event na ipinost pa niya sa kanyang Facebook page.

Ngunit mas marami pa raw sa 50 ang sumugod sa store ng kilalang vlogger na nasa isang commercial building sa Cubao.

Inamin din ng YouTuber na hindi sila nakipag-ugnayan sa mga kinauukulan para sa inorganisa nilang event. Wala rin daw alam ang mga barangay officials sa naganap na meet-and-greet.

Nadatnan ng mga otoridad ang mga mga taong naroon na umabot na sa kalye kaya naman agad silang pinagpaliwanag hanggang sa isyuhan na nga ng tiket si Toni at ang iba pang nagpunta sa lugar.

Ipinaliwanag ng mga tauhan ng QC Task Force Disiplina ang ginawa nilang paglabag sa social distancing protocol at ipinagdiinan na hanggang 10 tao lang ang pinapayagang magsama-sama sa isang event base na rin sa ipinatutupad na safety protocol ng Inter Agency Task Force.

Kasunod nito, humingi naman ng paumanhin si Toni sa nangyari at nangakong handa siyang panagutan at bayaran ang kaukulang multa sa nagawang paglabag.

Sa mga hindi pa pamilyar kay Toni, isa siya ngayon sa mga kilalang vlogger sa YouTube na may 5.57 million subscribers habang meron naman siyang 5.51 million subscribers sa TikTok.

Read more...