Boboto ka ba ng pro-China sa 2022 presidential election?

In this photo provided by U.S. Navy, the USS Ronald Reagan (CVN 76) and USS Nimitz (CVN 68) Carrier Strike Groups steam in formation, in the South China Sea on  July 6, 2020.

Iboboto mo ba ang isang pro-China candidate sa pagkapangulo sa May 2022 presidential election?

Ito ang tanong sa atin ng isang kakilala sa kainitan ng tensyon at isyu na nagaganap sa West Philippine Sea (WPS) at habang binabatikos ang katapatan ng Pangulong Duterte sa usaping ito.

Hindi maitatanggi na ang Pangulo ay isang pro-China, sa salita at gawa. Sa maraming bagay, tulad sa usaping pangkalakalan, negosyo, armas, pananalapi, telecommunication, imprastraktura, hanggang sa pagpondo ng kanyang “Build, Build, Build” projects, pati na ang pagkuha at pagbili ng bakuna kontra sa COVID-19, isinulong at umasa ito sa China. Pabirong sinabi nga ng iba, “Made in China” ang transaksyon sa gobyerno.

Ang solid pro-China stance ng Pangulo ay nakita sa usaping WPS. Sa simula palang ng kanyang kapangyarihan, sinabi na nito na hindi niya igigiit sa China ang desisyon ng UN Arbitral Tribunal kung saan nauna ng pinagtibay ang ating interest at karapatan sa WPS. Ipinairal ng Pangulo ang “appeasement policy” sa usaping WPS. Hinayaan niyang gamitin ng China ang ating teritoryo. Hinayaan niyang itaboy ang ating mangingisda sa ating sariling karagatan. Nawala at nanahimik ang Pangulo ng mistulang sakupin ng China ang ating Julian Felipe Reef ng ukupahan ito ng mahigit 200 Chinese militia maritime vessels.

Ang masakit pa, ilang ulit sinabi ng Pangulo sa publiko na ang nasabing desisyon ng UN Arbitral Tribunal ay isang kapirasong papel lamang at hindi magagamit upang paalisin ang China sa WPS. Sana ang ganitong pahayag ay hindi na lang ginawa ng Pangulo. Ang ganitong mga salita ay magdudulot ng suliranin sa ating bansa sa mga darating na panahon, maliban na lang kung ito ay babawiin agad ng Pangulo. Bilang abogado at Pangulo, dapat alam niya na ang ganitong pahayag, pati na ang kanyang sinabing nasa China ang possession ng WPS, ay matuturing na isang state policy na maaaring magamit sa atin balang araw tungkol sa usaping WPS. Bilang abogado at Pangulo, dapat alam niya rin na ang ganitong pahayag ay makakasira sa ating mithiin na tuluyang makuha at mabawi ang mga kinamkam na teritoryo.

Pero nakatulong ba sa ating bansa ang pagiging pro-China ng Pangulo?  Naibigay ba sa atin ng China ang pinangakong investment at ipapautang na $24 Billion kapalit ng hindi natin paggiit sa desisyon ng UN Arbitral Tribunal? Nabigyan din ba tayo ng prioridad sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19 na gawa sa China dahil sa  pagiging pro-China ng Pangulo?

Ilang beses binanggit ng Pangulo na kaibigan natin ang China. Na marami itong naitulong sa ating bansa. Ngunit kung susukatin ang pagkakaibigan natin sa China base sa mga pinangako nitong tulong kapalit ng pananahimik natin sa WPS, hindi tayo tinuring kaibigan nito.

Ang pautang at investment na nailagay ng China sa ating bansa ay hindi nagkaroon ng malaking tulong pinansyal sa atin. Sinasabi na nasa 5% lang ng pinangakong $24 Billion ang naipautang o na invest nito. Malayong malayo sa pinangakong ipapautang at ilalagay bilang investment sa ating bansa. Kulang na kulang bilang kapalit ng pagsuko ng ating ilang teritoryo at soberanya sa China.

Paulit-ulit din pinaaalala ng Pangulo ang binigay (donation) na bakuna ng China sa atin. Ito ba ang utang na loob na sinasabi na Pangulo? Tayo ay nagpapasalamat pero hindi ito sapat para itali ang ating karapatan sa WPS. Hindi ito sapat para kalimutan muna natin ang interest ng ating bansa. Huwag sana itong gamitin upang ating muna  isang tabi ang karapatan at interest natin sa WPS. Tandaan natin na kung ginawa lang ng maayos ang mga tungkulin ng mga namumuno, hindi sana tayo nagkaroon ng problema sa pagkuha at pagbili ng bakuna na gawa sa ibang bansa. Matatandaan din na dapat ay nakakuha at nakabili tayo ng bukunang gawa ng Pfizer noon pero “somebody dropped the ball” kaya hindi natin ito nabili. Tama lang din sinabihin natin na hindi rin tayo nabigyan ng prioridad ng China sa pagbili ng kanilang bakuna dahil ito ang totoo.

Isang taon mula ngayon, tayo ay maghahalal ng bagong pangulo at ibang national leaders. Kagaya ng mga nakaraang eleksyon, marami ang mangangako na isusulong at ipaglalaban ang interest at karapatan ng ating bansa sa WPS. Suriin mabuti ang mga kandidato. Marami sa kanila ay maituturing na Manchurian candidates o pakawala ng China upang tiyakin ang interest nito sa ating bansa lalo na sa WPS. Tignan ang track records ng mga kandidato sa usaping WPS at mag-ingat sa mga kandidatong may personal connection sa mga namumuno sa China.

Huwag matulad sa ilang botante noong 2016 na tinawag na mga  bobo ng Pangulo dahil sila ay naniwala na tutuparin nito ang pangakong ipaglalaban ang interest at karapatan ng bansa sa WPS.

Read more...