Kilalang female star, production team lumabag sa safety protocol ng lock-in taping

MUKHANG napagsabihan ng management ng TV network ang isa sa cast member at production team ng umeereng teleserye matapos lumabag sa ipinatutupad na health protocol sa lock-in taping nila.

Minsan daw kasi ay napapakiusapan pa ng naturang artista ang head ng production para lumabas sandali dahil may emergency na kailangang asikasuhin.
Bumabalik naman daw agad ang female celebrity bago pa mapansin ng mga katrabaho niya lalo’t marami pang eksenang kukunan.

Hindi ito ipinaalam ng production team sa iba pang miyembro ng cast para hindi na magkaroon ng isyu dahil nga patuloy pa rin ang banta ng COVID-19 pandemic sa bansa.

At in fairness, nagpa-swab test naman din ang isa sa cast na umalis sandali sa taping at negatibo naman ang resulta nito kaya safe pa rin ang pagbabalik niya.

Sa kabuuan ng lock-in taping ay wala namang nagpositibo sa buong team kaya nakahinga rin nang maluwag ang lahat.

‘Yun nga lang sa susunod na lock-in taping ay sumobra na ang higpit at nagpadagdag na ng CCTV sa buong venue ng hotel hanggang sa dadaanan papunta sa mga naka-park na sasakyan hanggang palabas ng venue.

Bukod dito sa hotel na rin ang quarantine ng lahat hindi tulad ng dati na puwede sa bahay at saka tatawagan kapag magte-taping na.

Kaya pala may ilang artista na ayaw na sa lock-in taping dahil bawal na ang kuwentuhan o ang pagkikita-kita kapag pack-up na sila at kapag may isang araw pang pahinga.

Hindi raw puwedeng lumabas ng kuwarto ang sinuman sa involved sa production maliban na lang kung papunta na sa location para mag-shoot.

Sa kasalukuyan ay tinatapos na lang ang mga eksena ng isa sa cast para tuluyan na siyang mamaalam at hindi na babalik pa para sa huling cycle ng shoot.

Read more...