The Clash graduate Jong Madaliday ipatatayo na ang dream house para sa pamilya

SA wakas, matutupad na rin ang matagal nang pangarap ng Kapuso singer at The Clash graduate na si Jong Madaliday — yan ay ang pagpapatayo ng kanyang dream house.

Ipinost ng binata ang development ng ipatatayo niyang bahay sa kanyang social media account at nagdetalye kung paano nga ito nagsimula.

“Dreams don’t work unless you take action. Worth it lahat ng pagod at hirap. Paonti-onti lang,” aniya sa caption.

“Simpleng bahay lang, 1-story house. Ang unang plano ko sana half-concrete lang kasi baka hindi pa kaya, pero sabi ko all out ko na ‘to samahan na lang ng dasal at nawa’y makaya ko at matatapos ko ‘yong bahay,” pagbabahagi ng Kapuso singer sa panayam ng GMA.

Aniya, hindi niya maisasakatuparan ang ultimate dream niyang ito para sa kanyang pamilya kundi sa tulong at tiwala sa kanya ng GMA pati na ng kanyang mga fans na walang sawang sumusuporta sa kanya.

“Unang-una nagpapasalamat ako kay Allah sa mga blessings na dumarating sa akin ngayon, sa pamilya ko na walang-sawang gumagabay sa mga desisyong ginagawa ko, at siyempre sa mga fans ko na kundi dahil sa kanila ay hindi ko matatamasa ang lahat ng ito.

“Dahil ito sa suporta at pagmamahal nila na binibigay sa talentong nilalatag ko. Lubos akong nagpapasalamat at sobrang masaya na paunti-unti ito na, maipapatayo ko na ang simpleng bahay na nasa isip ko lang noon na pinapatayo,” pahayag ni Jong.

Recently lang ay naging mainit muli ang pagtanggap ng fans sa acoustic cover niya sa mga hit songs ni Justin Bieber na “Peaches” at “Lonely”.

Kamakailan lang ay umani rin ng papuri si Jong mula sa publiko, kabilang na ang Fil-Am artist na si Bella Porch, nang ilabas na ang kanyang version ng classic OPM na  “Kanlungan” ni Noel Cabangon.

“Sobrang grateful sa mga taong patuloy na sumusuporta at naniniwala pa rin sa talentong pinagkaloob sakin.

“Kahit hindi ko man na-e-express pero sa pamilya at mga fans na nandyan pa rin sa simula ng laban ko hanggang ngayon, sobra ko pong na-a-appreciate lahat-lahat ng suporta.

“Again kundi dahil sa inyo, sa pagpapaingay ng mga videos na trip ko lang i-post sa socmed na wala naman akong iniisip o intensyon na sana mag-click o mag-viral, basta ako post lang nang post lalo na kapag walang magawa gawa nga nitong pandemic na super lockdown,” aniya pa.

“Itinawid ako ng musika sa nakakabaliw na panahon na ito at sana ganun din ang dating sa mga taong nanonood at nakikinig sa musika ko,” diin pa ni Jong.

Read more...