Amy biglang napaiyak sa ‘Showtime’, ikinumpara sa saranggola ang mga anak

IYAK nang iyak ang TV host-actress na si Amy Perez sa nakaraang episode ng “It’s Showtime” nang mapag-usapan ang tungkol sa mga anak.

Hindi napigilan ni Tyang Amy na maging emosyonal nang magkuwento hinggil sa desisyon ng kanyang anak na bumukod na sa kanila para subukan ang pagiging independent.

Sa “Tawag Ng Tanghalan” segment ng Kapamilya noontime show ay nagbahagi ang isang contestant ng naging karanasan niya sa pamumuhay mag-isa at malayo sa pamilya.

Kasunod nito, tinanong ni Vice Ganda si Amy kung ano naman ang na-feel niya nang magdesisyon nang bumukod ang panganay niyang anak na si Adi.

Sey ni Vice, “Ano ang feeling ng nanay o ng magulang, kung isang araw sasabihin ng anak mo na, ‘Nay, bubukod na ako. Hindi ako uuwi dito sa bahay.’ Anong feeling ng nanay?”

Nang tutukan ng camera si Amy ay mangiyak-ngiyak na ito, “Tinatanong mo pa lang, naiiyak na ako, nanginginig na ‘yung boses ko.”

Inamin ng aktres at TV host na dumating na yung panahon na mas naging private na ang anak at marunong nang magdesisyon para sa sarili niya.

“Ito na ‘yung realization — hindi talaga forever makakasama mo ang mga anak mo.

“At one point, mari-realize mo na parang saranggola sila, na kailangan mo i-let go at makita mo lang na lumilipad sila. Bilang magulang, masaya ka na,” pahayag pa ni Tyang Amy.

Ayon pa sa Kapamilya star, talagang napakabigat sa kanyang kalooban ang pagsosolo ng kanyang anak, ngunit naiintindihan naman daw niya na kailangan itong gawin ng bagets para sa kanyang kinabukasan.

Si Adi ay anak ni Amy sa una niyang asawa. Biniyayaan din sila ng asawa niya ngayong si Carlo Castillo ng dalawa pang anak.

Read more...