BUMABANDERA ang Pinoy pride sa makasaysayan at pinag-uusapang crime drama series na “Almost Paradise” ng pinagsanib na pwersa ng ABS-CBN at Electric Entertainment.
Kaya naman patuloy na ibibida ang husay at talento ng mga Pilipino sa huling dalawang linggo ng serye sa Kapamilya Channel at A2Z.
Tulad ng mga naunang episodes, lubos na pinaghandaan at ginalingan ng Filipino cast at crew ang mga susunod na mapapanood sa kwento ng dating U.S. secret agent na si Alex Walker (Christian Kane) na bumalik sa pagtutugis sa mga kriminal matapos magretiro sa mala-paraisong isla ng Cebu.
Ayon kay ABS-CBN International Production and Co-Production Division Head Ruel Bayani, layunin talaga ng ABS-CBN sa proyektong ito na ipakita sa mundo ang kalidad ng gawang Pinoy.
“Ito ay malaking pagkakataon para maipagmalaki at ipayakap sa mundo ang ating talento at ating kakayahan,” ani Direk Ruel sa ginanap na virtual mediacon ng programa kahapon kasama ang buong team at main cast ng “Almost Paradise.”
Lahat ng artistang nagkaroon ng papel sa “Almost Paradise” ay dumaan sa mabusising proseso ng audition, kabilang ang main Filipino cast na sina Nonie Buencamino, Art Acuña, Samantha Richelle, Ces Quesada, at Angeli Bayani, at mga guest star tulad nina Zsa Zsa Padilla, Sophia Reola, Richard Yap, Raymond Bagatsing, Noel Trinidad, Lotlot de Leon, Ryan Eigenmann at Ketchup Eusebio.
Para kay Ces, nagustuhan niya ang audition para siguradong handa ang mga gaganap sa role. Si Nonie naman, natuwa rin dahil marami siyang naging oras para pag-aralan ang karakter niyang si police chief Ike Ocampo, na aniya ay isang tao may prinsipyo at tapat.
Sabi naman ni Art, naging paborito na rin ang karakter na si Detective Ernesto Alamares. Si Samantha naman, maski baguhan ay puring-puri ng kanyang kasamahan at mga producer.
“I had the time of my life just being able to learn from the veteran actors and just the quality of the people’s talents. I was just very fortunate to work with them,” pahayag ng aktor.
Maging sa likod ng kamera ay mga Pinoy rin ang naka-trabaho ng “Almost Paradise” showrunner na si Dean Devlin, ang CEO ng Electric Entertainment na tanyag na Hollywood producer ng mga pelikula tulad ng “Independence Day,” “Godzilla,” at “The Patriot.” Kabilang dito ang mga Pilipinong direktor na sina Dan Villegas (Episode 4), Francis Dela Torre (Episode 3 and 7), Hannah Espia (Episode 6 and 9), at Irene Villamor (Episode 8).
Ayon kay Dan, bagamat may mga pagkakaiba ang naging sistema nila rito sa nakasanayan ay marami naman silang bagong natutunan.
“I was surprised how professional foreign actors were. Pagdating nila sa set memorized na nila ang script. I also appreciated how everything is pre-approved before the shoot. ’Yung mga natutunan ko sa Almost Paradise, ina-apply ko na sa mga shoots ko,” aniya.
Para kay Hannah, patok ang kwento nito sa mga manonood sa mundo dahil sa tema nito at paggamit ng iba’t ibang genre. Ayon naman kay Francis at Irene, ipinakita ng programa sa mundo ang iba pang mukha ng Pilipinas.
Todo naman ang paghanga ni Dean at ng bidang Hollywood actor na si Christian Kane sa mga Pilipinong nakatrabaho nila.
Kwento ni Christian, na nakilala sa mga programa at pelikula tulad ng “Angel,” “Leverage,” “The Librarians,” “Just Married,” at “Taxi,” tinrato siyang pamilya dito kaya mas naka-pokus siya sa kanyang karakter.
“I was treated more like family there than I have ever been my entire life. It just felt like home. I have some of the best people around me. They welcomed me in and so I got to concentrate on the character and not being away from home,” kuwento ng aktor.
Ibinahagi rin ni Dean ang positibong pagtanggap sa “Almost Paradise” ng mga manonood sa ibang bansa, lalo na sa mga Pilipino, “It captures the heart of why Filipinos are such wonderful and special people.”
Kauna-unahang American TV series na kinuhanan nang buo sa Pilipinas ang “Almost Paradise,” na nagtatampok sa kaakit-akit na ganda ng Mactan, Cebu.
Bukod sa natural na ganda ng bansa, bida rin dito ang kapani-paniwalang mga set design ng mahahalagang lugar sa kwento tulad ng police station at yate na itinayo mismo ng production team ng ABS-CBN.
Tunay na dugo’t pawis ang kanilang ibinigay upang makagawa ng programang maipagmamalaki ng bawat Pilipino at magpapakita na kayang-kaya nating makipagsabayan sa Hollywood.
Samantala, lalo pang kaabang-abang ang mga susunod na pangyayari sa “Almost Paradise,” na naghahatid ng liwanag at ligaya sa mga viewers simula pa noong Marso 21.
Sa episode ngayong Linggo tampok sina Sophia Reola, Isay Alvarez, Teroy Guzman, Miko Raval, Boom Labrusca, Joel Molina, at Lesley Lina, malalagay sa panganib ang undercover operation ni Kai (Samantha Richelle) nang masangkot si Alex (Christian Kane) dahil sa kanyang pag-uusisa. Magiging kapana-panabik din ang finale episode dahil sa aksyon at dramang hatid nito sa gagawing pagsagip ni Alex sa kanyang anak na malalagay ang buhay sa alanganin dahil sa isang kasamahang nagbabalak ng paghihiganti.
Huwag palampasin ang huling dalawang episode ng “Almost Paradise” tuwing Linggo, 8:45 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, iWantTFC, at Kapamilya Online Live (KOL) sa Facebook at YouTube. Mapapanood rin sa Pilipinas ng paulit-ulit ang pinakabagong episode ng libre sa loob ng pitong araw sa KOL sa YouTube.
Sa iWantTFC naman mapapanood ng mga nasa Pilipinas ang iba pang umereng episode sa Ingles at Filipino.