IBANG klase pa rin talaga ang epekto ng teleseryeng “Ang Probinsyano” ni Coco Martin sa ilang Filipino viewers.
Yan ang napatunayan ng award-winning actor na si John Arcilla matapos kastiguhin ng isang netizen dahil lang sa karakter niya sa nasabing action-drama series ng ABS-CBN.
Mukhang sineryoso kasi ng nasabing viewer ang kontrabida chatacter ni John sa “Ang Probinsyano” bilang si Renato “Buwitre” Hipolito na isa sa mga mortal na kaaway ni Cardo Dalisay na ginagampanan nga ni Coco.
Ipinost ni John sa kanyang Twitter account ang screenshot ng komento ng netizen tungkol sa kanya kung saan tinawag pa siya nitong “drug addict.”
Sabi ng nagkomentong netizen, “Hoy hwg ka mangarap Na mgng president ng buong Pilipinas galng mo nmn kung ikw ang papalit mgng president ng Pilipinas ngpatawa ka ba ah eh sa role mo pa lng sa probinsyano ngkakagago ka noh drug addict ka.”
Ito naman ang bweltang sagot ng aktor sa kanya, “Hindi ko po alam kung seryoso siya o nagpapatawa. Relax ka lang (Twitter user) ang teleserye ho e hindi totoong buhay. Chill chill lang po.”
Para kay John, nakaaalarma ang mga ganitong comment sa social media lalo na kapag inakusahan ka na at tawagin sa kung anu-anong pangalan nang dahil lang sa nilalabasan mong teleserye.
Kung matatandaan, nangyari na rin ito sa isa pang cast member ng “Ang Probinsyano”. Nito lang nagdaang Marso nakatanggap naman si Michael de Mesa ng death threat mula sa isang netizen.
Ginagampanan naman ng aktor sa serye ang karakter ni Ramil “Manager” Taduran na kasama ni Cardo sa grupong Vendetta.
Banta ng netizen kay Michael, “Hoy manager sana mamatay kna sa probinsyano mo. Pag nakita kita sa personal. Titirahin kita sa ulo mo at t*t* mo.”
Sagot naman ni Michael, “Ganu’n ba ako ka effective? Bro, teleserye lang yan. Wag masyadong seryoso. Positive vibes lang. Hahaha!”
Hanggang ngayon ay wala pang announcement ang ABS-CBN kung kailan matatapos ang nasabing serye. May chika na bago matapos ang 2021 ay magwawakas na rin ang kuwento ni Cardo Dalisay ngunit wala pa rin itong kumpirmasyon until now.