Jobert Austria natagpuan na ang tunay na ina after 50 years: Pinapatawad na kita…

NAIYAK at na-touch ang mga nakapanood sa bagong vlog ng komedyanteng si Jobert Austria kung saan nakasama niya ang tunay na ina makalipas ang 50 taon.

Masaya at emosyonal na ibinalita ni Jobert sa madlang pipol ang muling pagkikita nila ng kanyang biological mother na si Armanda Villanueva. Nangyari raw ito nito lamang nagdaang May 7.

“Itong araw na ito ang pinakaimportante sa akin dahil kikitain ko ang nanay ko, ang totoong nanay ni Kuya Jobert. Ilang taon kaming hindi nagkita ng nanay ko,” ang simulang pahayag ni Jobert sa kanyang vlog.

“Nagpapasalamat ako sa Diyos kasi nabigyan ako ng pagkakataon na makita ang nanay ko, ang totoong nanay ko. Mayakap, mahalikan, matanong yung mga bagay na gusto kong tanungin mula nung bata pa ako hanggang ngayon na tumanda na ako,” aniya pa.

“Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Medyo kinakabahan ako. Medyo masaya ako. Medyo may tampo pa rin ako, di ba, kasi marami akong tanong.

Pero nagpapasalamat ako sa Diyos kasi ito na yung araw nahinihiling ko. Pinagkaloob na Niya sa akin,” pag-amin pa niya sa tunay niyang nararamdaman.

Dito, inamin din ng komedyante na talagang sumama ang loob niya sa ina matapos siyang ipinaampon noong sanggol pa siya.

“Isipin mo, 50 years old na ako. Ilang taon din akong nagtampo doon, eh. Hindi n’yo pala malalampasan yung nakaraan n’yo.

Hindi kayo makaka-move on hangga’t hindi n’yo naaayos yung relationship n’yo kahit kanino lalo na yung mabibigat sa buhay n’yo. Maaapektuhan talaga yung future n’yo,” pagbabahagi pa ni Jobert.

Kuwento ng Kapamilya comedian, nalaman niya kung nasaan ang tunay na ina nang may magpadala sa kanya ng mensahe sa Facebook. Isang Jeremy Minorca raw ang nagsabi sa kanya na hinahanap siya ng inang nasa San Jose Del Monte sa Bulacan.

“Kamukha ko din, eh. Lagyan mo lang ako ng wig na kulot tsaka salamin, nanay ko na ako,” aniya nang makita ang itsura ng kanyang nanay.

Sa isang bahagi ng vlog, ibinahagi naman ni Nanay Amanda ang nararamdaman sa muli nilang pagkikita ng anak.

“Ang tagal ko siyang hindi nakita. Biruin mo, 50 years siguro. Tagal na kasi bagong panganak pa lang yon binigay na siya ng nanay ko don sa nag-ampon,” sabi nito.

Nagkaiyakan ang mag-ina nang magkita sa wakas kasunod ng pagpapaliwanag ni Nanay Amanda na nang dahil sa matinding kahirapan sa buhay kaya niya naisipang ipinaampon si Jobert na napakasakit din daw sa kanyang kalooban.

Mensahe naman ni Jobert sa ina, “Salamat Nay, kasi kung hindi nangyari ‘to hindi ako naging artista. Basta mag-iingat ka lagi. Dadalaw ako doon kapag nakaluwag-luwag na bago ako pumunta ng Canada.

“Ang importante, nagkita tayo. Hindi aksidente ‘to, nagkita tayo. Para kung saan man tayo mapunta, nagkita tayo. Nagkapatawaran tayo.

“Pinapatawad na kita kahit na hindi kita niyakap nu’ng mga panahong mag-isa lang ako. Ang hirap-hirap kaya nu’ng bata pa ako. Minsan umiiyak ako, hindi ko alam. Iba yung pakiramdam ng totoong nanay, di ba?” ang maluha-luhang sabi ni Jobert.

Pahabol pa niyang mensahe sa tunay na nanay, “Sana humaba pa ang buhay mo. Sana makilala mo ang Diyos. At sana maging malakas ka pa. Sana malaman mo na pinatawad na kita doon sa mga dating nangyari sa atin nu’ng ako ay binigay mo. Ngayon, okay na. Eto na ako. Napagdaanan na natin lahat ng kailangan nating pagdaanan.

“Mag-aasawa na ako. Nagpapasalamat ako dahil bago ako pumunta sa Canada ay nagkita tayo. Bayaan mo. Kapag nandu’n na ako, palagi kitang kukumustahin,” ang pahayag pa niya kay Nanay Amanda.

Read more...