WISH ng Kapamilya actress na si Nikki Valdez na magkaroon pa sana ng isang anak.
Ayon kay Nikki, ituturing niyang napakalaking blessing sa kanyang buhay kapag nabigyan pa siya ng isa pang baby.
Kung magkakatotoo ito, magkakaroon na ng kapatid ang anak niyang si Olivia na siyang naging produkto ng pagmamahalan nila ng dating karelasyon.
Ikinasal naman si Nikki noong Agosto, 2018 kay Luis Garcia na siya na ring tumayong ama kay Olivia.
“Sana kung mabibigyan ng isa pa, why not? Kasi kahit si Olivia sinasabi niya na maganda na mayroon siyang siblings. Siguro ngayon na medyo may edad na siya at pwede na siyang mag-alaga, why not?” sey ni Nikki sa isang panayam.
Pero kung hindi na ito mangyayari ay okay lang din dahil masaya naman ang relasyon nila ng kanyang anak.
Samantala, pinaalalahanan din ng aktres ang lahat ng parents na ipaliwanag nang mabuti sa mga anak ang mga nangyayari ngayon sa kapaligiran dulot ng COVID-19 pandemic.
“Kung tayong mga matatanda ay maraming pinagdaraanan, siyempre ang mga bata lalo. Kasi sila sanay sila, kumbaga they are meant to play outside, to experience ‘yung mga na-experience natin noong bata tayo.
“Minsan mahirap, but you have to continue explaining sa kanila kung bakit ganoon ang sitwasyon. Kung bakit importante na umabot tayo sa finish line kapag natapos na ang lahat ng ito,” chika ni Nikki.
Aniya pa, “Sa ngayon, nag-e-enjoy naman kami kahit indoors, minsan sa harap ng bahay as long as naka-PPE siya, naka-mask.
“Minsan pinapayagan ko na naglakad-lakad sa harap ng bahay, mayroon siyang sapatos na may gulong,” aniya pa.
“Ngayon happy ako lalo na kapag nagkukuwento siya sa amin kung ano ang pinag-uusapan nila. Nakakatuwa naman, feeling ko nawawala ang lungkot. Sabi ko nga, ‘Bakit ngayon mas close pa kayo?’ Yun ‘yung magandang nakuha nila out of talk therapy nila,” masaya pa niyang kuwento sa nasabing interview.
Nagbigay din ng Mother’s Day message si Nikki sa kanyang ina, “Nagpapasalamat talaga ako sa Diyos na binibigyan siya ng lakas pa para gawin ang mga bagay na ito para amin.
“Thank you, Ma, for everything, for continuously taking care of us. Nagpapasalamat ako na may nanay ako na nandiyan at nag-aalaga sa akin,” sabi pa ng aktres na isa na ring certified COVID-19 survivor.