Karla naloka sa panggagaya kay Melai: I think ito na ang ikababagsak ng career ko!

“SOBRANG gusto ko nang magpatiwakal nu’ng ginaya ko si Momshie Mels!”

Yan ang natatawang chika ni Karla Estrada nang tanungin kung anu-anong challenge ang hinarap nila nina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros sa shooting ng Mother’s Day comedy film na “Momshies Ang Soul Mo’y Akin.”

Sa virtual presscon ng pelikula, inamin ni Karla na malaking hamon talaga ang panggagaya niya kay Melai dahil sa kilos at dami ng facial expression nito.

“Sobrang gusto ko na magpatiwakal nu’ng ginaya ko si Momshie Mels. Ang likot niya, para siyang kiti-kiti. Ang dami niyang nuances, ang daming niyang expressions na siya lang makakagawa,” chika ng TV host-actress.

Hirit pa ng nanay ni Daniel Padilla, “Nahirapan ako talaga. I think ito na ang ikakabagsak ng career dun sa mga eksena ko na for 30 years kong iningat-ingatan!”

Kuwento pa ni Karla, “Dahil hindi naman ako as professional as Jolina Magdangal, di ko na nabasa yung dulo ng script na magiging Melai pala ako. Mag-iisang ikot pa pala. Doon nagkatrayduran!

“Kaya nga nag-iisa lang yang Melai na yan. Sobrang hirap. Hindi mo talaga siya magagaya,” pahabol pa ni Karla.

Super agree rin si Jolina sa sinabi ni Momshie Karls, talagang sumakit daw ang leeg niya sa panggagaya kay Melai.

“Mahirap talaga yung kay Momshie Mels. Every time na patapos na yung araw ang sakit ng leeg ko kasi malikot talaga siyang tao,” sey ni Jolens.

Hirit naman ni Melai, mas nahirapan daw siya na gayahin sina Karla at Jolina, “Kung hirap sila sa akin, mas hirap ako sa kanila. Mahirap maging maganda. Hindi ko talaga kaya maging maganda.

“Nakailang ulit si Direk Easy (Ferrer), ‘Melai maging Karla Estrada.’ ‘Direk di ko kaya.’ Sobrang hirap gumanda talaga,” aniya pa.

Sa trailer ng pelikula, iikot ang kuwento sa pagpapalitan ng kaluluwa ng tatlong bidang karakter, sina Karlene (Karla), Jolene (Jolina) at Mylene (Melai). At in fairness, teaser pa lang ay tawa na kami nang tawa!

Ito ang first movie ng tatlong momshie matapos magsama-sama sa unang season ng “Your Face Sounds Familiar” at “Magandang Buhay.”

Mula sa Star Cinema at Keep Filming, ang “Momshies! Ang Soul Mo’y Akin” ay idinirek ni Easy Ferrer, ang kanyang kauna-unahang proyekto sa ABS-CBN Films bilang isang director. Naging assistant director siya sa mga pelikulang “Between Maybes,” “The Ghost Bride,” “Bloody Crayons” at “The Third Party.”

Simula ngayong May 28, mapapanood ang “Momshies! Ang Soul Mo’y Akin” sa KTX.ph at iWant TFC; sa SKY pay-per-view at Cignal pay-per-view at maging sa TFC IPTV (para sa mga nasa ibang bansa) at hatid ng Cinexpress.

Read more...