Sa ekslusibong panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Probationary Ensign Gretch Mary Acuario na isa ring abogado, bilang miyembro ng PCG kailangan nilang gawin ang mandato na iniatang sa kanila.
Ayon kay Acuario, kahit na isang babae hindi siya natakot sa insidente dahil naniniwala siya na wala namang pinagkaiba kung babae o lalaki ang nagbigay ng radio challenge sa Chinese vessels.
Pinagmamasdan lamang aniya nito ang mga barko ng China habang ibinibigay ang radio challenge.
Nanindigan ito na tama lamang naman ang kanilang ginagawa ayon sa batas.
Sa tanong kung naisip nila na umalis na lamang sa lugar dahil ilang ulit naka-play ang radio challenge ay hindi pa rin umalis ang mga Chinese vessel sabi ni Acuario kailangan nilang patuloy na itanong ang ginagawa ng mga ito sa Sabina Shoal.
Kwento pa ni Acuario, ilang ulit nilang inilabas ang radio challenge upang matiyak na naririnig ito ng mga barko ng China.
Naniniwala rin ang lady coast guard officer na kikilalanin sila ng mga Chinese vessel na nakita nila sa Sabina Shoal bilang isang awtoridad.
Magugunita na dahil sa radio challenge na inilabas ng BRP Cabra ng PCG sa pamamagitan ni Acuario ay lumayas ang pitong Chinese vessel na naka-angkla sa Sabina Shoal.