Regular na nagpo-post ng updates ang mag-asawa sa kanilang social media accounts tungkol sa mga kaganapan sa buhay nila bilang first time parents.
Ibinabahagi rin nila sa publiko ang mga development sa buhay ni Avianna na ipinanganak via C-section noong March 15.
Sa bagong YouTube vlog nina Sophie at Vin, binasa nila ang ilang comments ng netizens sa nakaraan nilang video na may titulong “Raw 24 Hours with our Newborn” kung makikita kung paano inaalagaan ng mag-asawa ang kanilang baby girl.
Tinawag nina Sophie at Vin ang mga komento ng netizens na “mga huwag” na tumutukoy sa bawal gawin sa mga bagong silang na bata.
Sey ni Vin, may nabasa siyang comment na bawal pang suklayan ang kanilang anak dahil sensitibo pa ang bumbunan ng sanggol.
Reply dito ng aktor, “Sa mga tao na nagsasabi diyan na bawal daw suklayan ang mga anak nila ng hanggang isang buwan, ang masasabi ko lang lalaki ang anak ninyo na bruha.”
Dagdag pa niyang reaksyon, “Meron pa nga nagsabi one year daw, e. Paano ‘yun?”
Isa namang subscriber ang nagsabi sa mag-asawa na huwag muna paliguan si Avianna ngunit ayon kina Sophie at Albert mas naniniwala sila sa sinasabi ng kanilang mga doktor at ilang kakilala na may mga anak na rin.
Ngunit para kay Vin, ang isa sa mga “huwag” comment na nabasa niya ay ang tungkol sa paghalik sa kanyang baby, “Ito ang pinakamatinding comment sa akin, ‘yung last video, ’24 hours with a newborn.’
“Sa video namin na ‘yun, makikita ninyo diyan na hinahalikan ko ‘yung likod ni Avianna, ‘yung batok niya, kasi nanggigil ako sa kaniya, sa anak ko.
“Huwag ko daw siya hahalikan sa batok kasi daw mababalisawsaw daw ‘yung anak ko,” ani Vin.
Sabi naman ni Sophie, walang masama sa mga ganitong paniniwala pero may iba-iba raw talagang paraan ang mga magulang sa pagpapalaki at pag-aalaga sa kanilang mga baby.
“It’s okay lang naman, kanya-kanya tayo (ng style sa pagiging parents). But, we don’t believe it,” diretsong pahayag ni Sophie.