Andrea Brillantes umabot sa halos P1-M ang natanggap na b-day gift

INSTANT “milyonarya” na ang Kapamilya young actress na si Andrea Brillantes dahil sa dami ng natanggap niyang mamahaling birthday gift.

Sa kanyang latest vlog, ibinandera ng dalaga ang mga branded stuff na iniregalo ng mga kapamilya at kaibigan para sa kanyang 18th birthday last March.
Hindi nakapag-celebrate nang bonggang-bongga si Andrea for her debut dahil pa rin sa pandemya. Ngunit sa kabila nga nito, grabe naman sa dami ang natanggap niyang mga regalo na umabot nga sa halos P1 million ang halaga.

Ibinandera niya sa kanyang vlog ang ilan sa mga natanggap na luxury brands na bags at footwear, “Itong mga regalo na nakikita n’yo lahat ito ay galing sa second family ko. Sila ang nakatulong sa’kin sa pangarap at mabili ang bahay na ito.”

Kabilang sa mga ipinakita niya sa kanyang mga tagasuporta ang Louis Vuitton hand bag at isang Balenciaga bag. May nagregalo rin sa kanya ng Gucci belt at Louis Vuitton na sapatos na may disensyo ng baraha.

“Nagandahan ako dito kasi may baraha eh mahilig ako mag-tong its,” ang tawa nang tawang chika ni Andrea sabay pakita rin ng LV hair clips na nagkakahalaga umano ng P18,000 at isang hair blower na P30,000 naman ang presyo.

Niregaluhan din siya ng sexy actress at vlogger na si Ivana Alawi ng Givenchy slides at Gucci bag na may tag price na mahigit P47,000, “Ito guys. Kahit naman bigyan niya lang ako ng papel, masayang-masaya na ako. Pero hindi ko in-expect, binigyan ako ni ate Ivana ng bag. Alam mo ‘yun, candy lang ang saya-saya ko na.

“Binigyan ako ng Gucci bag. Ito actually ang unang na-receive ko sa birthday ko. As in mismong birthday ko. Sobrang salamat po ate Ivana. I love you so much. Kung alam mo lang, mahal na mahal kita,” pahayag ni Andrea.

Super happy din ang youngstar sa natanggap na Hermes sandals, “Mas smooth pa siya sa paa ko na itatapak ko rito. Parang di nga ata deserve ng paa ko to, eh. Mas maganda siya sa mismong paa ko.” Hirit pa niya, “First time kong makatanggap ng mga ganitong bagay so wala pa ko sa Heart Evangelista level.”

Ang ilan pa sa mga regalong natanggap niya ay ang cotton candy maker, ice cream maker at stand mixer. Bukod pa riyan, nauna na niyang natanggap ang refrigerator na ibinigay ng gumanap na nanay niya sa hit Kapamilya seryeng “Kadenang Ginto” na si Dimples Romana.

“Pangarap kong magkaroon ng sariling ref sa kwarto ko. Sinabi ko talaga kay Ate Dims,” sabi pa ni Andrea.

Read more...