MATAPANG at tagos na tagos sa puso ang naging paggunita ni Vice Ganda sa unang anibersaryo ng pagpapasara ng Kongreso sa ABS-CBN.
Diretsahang tinawag na “ganid” at “masasamang loob” ng TV host-comedian ang mga taong hindi pumabor sa muling pagbibigay ng prangkisa sa Kapamilya Network noong May 5, 2020.
Sa kanyang Twitter account, eksaktong isang taon matapos ngang maipasara ang ABS-CBN ay nag-post si Vice ng mensahe para alalahanin ang araw na nagtapos ang prangkisa ng istasyon para sa free TV broadcast nito.
Pahayag ng Phenomenal Box-Office Star, sa kabila ng ginawang pagpapasara sa kanyang mother network, nananatili pa ring nakatayo ang ABS-CBN at patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa sambayanang Filipono.
“Isang taon na ang nakalipas ng tangkain ng mga ganid at masasamang loob na ang mga KAPAMILYA ay mapagkaitan ng serbisyong kailangang kailangan nila lalo sa panahon ng pandemya.
“Ngunit di sila lubos na nagtagumpay. Dahil andito pa rin kami at patuloy na isinasabuhay ang sinumpaang linyang ‘In the service of the Filipino worldwide,’” ang diretsahang pahayag ni Vice.
Dugtong pa niya, “Ang pamilya ay di sinusukuan. Nahihirapan ngunit nagtatagumpay.
“Andito pa rin kami para sa ’yo KAPAMILYA!” diin pa ni Vice Ganda.
Samantala, hindi rin nakalimutan nina Anne Curtis at Angelica Panganiban na alalahanin ang pagpapasara sa kanilang pinagtatrabahuang kumpanya.
“It’s been a year since we were all left in disbelief. Maraming Salamat sa mga loyal Kapamilya who continue to support ABSCBN na patuloy gumagawa ng paraan para makapaglingkod, makapamahagi ng impormasyon, balita at makapagbigay saya sa pamilyang Pilipino saan mang parte ng mundo,” pahayag ni Anne.
“Isang taon na. Binusalan at pinatayan ng kabuhayan. Hindi kami nakakalimot,” ang sabi naman ni Angelica sa kanyang Instagram post.