SA wakas, dumating na rin ang pinakahihintay na big break ng Kapamilya youngstar na si Belle Mariano.
Inamin ng aktres na matagal din niyang hinintay ang pagkakataon na mabigyan siya nang bonggang project ng ABS-CBN kaya naman abot-langit ang pasasalamat niya sa mga bossing ng Kapamilya network.
Si Belle ang bibida sa upcoming series na “He’s Into Her” kasama si Donny Pangilinan na magsisimula nang umere sa May 30.
Ayon sa young actress, may mga panahong nawawalan na rin siya noon ng pag-asa para sa kanyang showbiz career, “Feeling ko mas nag-register sa akin, mas tumatak sa akin na importante yung patience sa industry na ‘to noong dumaan ako ng awkward stage.
“Dumating din yung stage na hindi na ko hopeful. ‘Anong nangyayari ba’t ganito?’” aniya.
Kaya tuwang-tuwa raw siya nang gawin niya ang pelikulang “Four Sisters Before The Wedding” kung saan binuhay niya muli ang iconic role ni Gabbie na ginampanan noon ni Shaina Magdayao sa “Four Sisters And A Wedding.”
At ngayon nga ay siya na ang bibida bilang si Max sa trending adaptation ng “He’s into Her.”
“Feeling ko ang nag-push talaga sa akin ay yung passion ko for what I do. Importante talaga ang patience,” sabi ng dalaga.
“Ngayon lang siya nagsi-sink-in sa akin. Kanina nu’ng pinapanood natin yung trailer, parang, wow! Nararamdaman ko na, paparating na yung He’s Into Her. Parating na tayo,” sabi pa ni Belle sa nakaraang mediacon ng nasabing serye.
Unang napanood ang aktres sa kiddie gag show na “Goin’ Bulilit” at nag-guest din siya sa “FPJ’s Ang Probinsyano” ni Coco Martin.
Sa halos 10 taon na niya sa mundo ng showbiz, marami na ring natutunan si Belle. Bukod sa pagtitiyaga at paghihintay, ang isa pa sa talagang nagmarkang paalala lagi sa kanya ng mga senior stars na nakakatrabaho niya ay ang respeto sa kapwa.
“Tsaka ang isa pang na-realize ko, good things take time. Naaalala ko sinabi ko rin ito sa sarili ko yung time na maaabot ko rin yung gusto ko,” aniya pa.
Mapapanood na ang “He’s Into Her” sa May 30, Sunday, 8:45 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11 at TFC.
Makakasama rin sa serye sina Kaori Oinuma, Rhys Miguel, Joao Costancia, Criza Taa, Jeremiah Lisbo, Vivoree Esclito, Dalia Varde, Limer Veloso, Melizza Jimenez, Ashley del Mundo, Gello Marquez, Sophie Reyes at Jim Morales.