ISANG tribute ang ibibigay ng Kapuso TV host na si Willie Revillame para sa mga komedyanteng sina Kim Idol at Le Chazz.
In-announce ito ng “Wowowin” host kagabi matapos pumanaw si Le Chazz nitong Sabado. Aniya, hinding-hindi niya makakalimutan ang kabutihan ng puso ng dalawang stand-up comedian.
Naikuwento ni Willie na parehong naging bahagi ng “Wowowin” sina Le Chazz at Kim Idol kaya dapat lang na alayan niya ang mga sumakabilang-buhay na komedyante ng espesyal na episode sa kanyang programa.
“Alam ko naman na napangiti at napasaya kayo ng mga taong ito. Nakakalungkot, e. Nami-miss ko itong mga ‘to,” simulang pahayag ng TV host.
“Naging parte ho sila ng programang ito at ng entabladong ito. Noong marami pang tao na nanonood, wala pang COVID, nandito sila.
“Kapag kumakain ako, kasama ko sila, sobrang saya, katatawanan,” pagbabalik-tanaw ni Willie sa maliligayang araw kasama niya sina Le Chazz at Kim,” sabi pa ni Willie.
Pagpapatuloy pa niya, “Ako talaga, nalungkot ako nang malaman ko. ‘Yan po si Le Chazz, isang napakagaling na stand-up comedian.
“Nasa ABS-CBN pa lang ako, TV5, at hanggang dito (sa GMA) nakasama ko ho ‘yan, on and off the camera. Iniimbita ko siya, gusto ko masaya, kasi magaling itong batang ito, mabait, walang negative.
“Si Kim Idol, nakasama din namin. Si Kim Idol din po, namaalam na. Pero during the time na siya po’y namaalam, ang ganda ng ginagawa niya, isa siyang frontliner. Tumutulong ho siya sa mga maysakit,” lahad ng Kapuso host.
Kaya naman nangako siya sa mga manonood na, “Sa Friday, I’ll give tribute sa kanilang dalawa dahil ho nakapagpasaya sila sa atin.”
Samantala, naantig din ang puso ni Willie sa iniwang sulat sa kanya ni Le Chazz bago ito namaalam. Ibinigay daw ito sa kanya ng kapatid ng komedyante.
“Sumulat sa akin si Le Chazz, meron ho siya sa aking sulat. Ipapakita ko sa Friday, personal niyang sulat. ‘Para sa ‘yo, Kuya Wil.’
“Napakaganda, ipinadala po sa akin ng kapatid niya. Hindi ko nga alam kung bakit parang alam niya na may mangyayari sa kanya.
“Sinulatan niya yung best friend niya (AJ Tamiza), tapos sinulatan niya ako. Talagang sulat-kamay niya. Nakakaantig ng puso,” emosyonal pa niyang kuwento.
Nangako rin si Willie na tutulungan niya ang mga naulilang pamilya nina Le Chazz at Kim Idol, “Nami-miss ko itong dalawang ito. Napamahal sa akin ang dalawang ‘to.
“Kapag nag-a-out of town ako, kasama ko sila. Isang tawag lang nandiyan sila kasi gusto ko sumasaya sila.
“Naging parte ho sila ng programang Wowowin. Siyempre, gusto ko rin makausap yung kanilang mga mahal sa buhay.
“Sa harap ng entablado, sa harap ng kamera, nakangiti sila nagpapasaya. Pero yung likuran ng entablado, puro kalungkutan ang kuwento ng mga buhay ng mga ‘yan.
“Mahirap, pero ang iniisip nila puro sa kanilang pamilya. Salamat sa inyo at marami kayong napasaya sa ating mga kababayan.
“Salamat, Kim, thank you. Nami-miss ka namin. Of course, si Le Chazz, huli naming kita noong February 13. Masaya siya, wala akong nakitang symptoms na meron siyang sakit kasi ayaw niyang ipakita na malungkot siya.
“Palakpakan po natin si Kim Idol at si Le Chazz. Salamat sa pagbibigay ninyo ng saya sa amin. Salamat sa inyo, alam ko na kailangan niyo pa rin ng tulong.
“At tutulungan natin yung mga pamilyang naiwan niyo dahil naging parte kayo ng programang Wowowin at, hanggang ngayon, maaaring wala na kayo, pero nandito pa rin ang espiritu ninyo.
“Kim, Le Chazz, mahal namin kayo. We will miss you and maraming salamat,” ang mensahe pa ni Willie sa dalawang yumaong comedian.