PUMANAW na ang stand-up comedian at dating co-host ni Willie Revillame sa “Wowowin” na si Le Chazz. Siya ay 43 years old.
Kahapon, May 1, natagpuang wala nang buhay si Le Chazz o Richard Yuzon sa tunay na buhay sa kanyang bahay sa Kamuning, Quezon City.
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay wala pang inilalabas na detalye ang pamilya ng komedyante sa dahilan ng kanyang pagkamatay.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon para malaman ang tunay na sanhi ng pagkasawi ni Le Chazz.
Nabatid na ang isa sa malalapit na kaibigan ng stand-up comedian na si AJ Tamiza (partner niya sa mga gigs) ang nag-aasikaso ngayon sa labi ni Le Chazz na dinala sa Mary Immaculate Funeral Homes.
Kinumpirma rin ng ilan sa malalapit na kaibigan ng komedyante ang malungkot na balita kabilang na sina Ate Gay at Jobert Sucaldito.
Mensahe ni Jobert, “Ang isa sa pinakamamahal kong anak-anakang si Le Chazz (Richard Vargas Yuzon) ay lumisan na. Nawa’y sumalangit ang kanyang kaluluwa. Maligayang paglalakbay anak. Magkasama na kayo ng papa mo sa langit.”
“Le chazz RIP… mahal kita,” ang pamamaalam naman ni Ate Gay sa pumanaw na kaibigan.
Huling napanood si Le Chazz sa telebisyon nang mag-guest siya uli sa “Wowowin: Tutok To Win” ni Willie noong February. Naging co-host siya sa “Wowowin” mula 2018 hanggang 2019.
Unang napansin ni Willie ang husay ni Le Chazz sa pagpapatawa nang maging jester ito sa “Wowowin” hanggang sa maging regular na nga siya kasama sina Sugar Mercado at Petite.
Sa isang panayam, pinuri ni Petite ang kabutihan ng loob ni Le Chazz, “Si Chazz, mahusay na co-host, magaling na kaibigan at mabuting tao.”
Sabi naman ni Sugar, “Lagi siyang nasa harap ng salamin kasi gandang-ganda siya sa sarili niya.”