Marian gagawa lang uli ng serye sa 1 kundisyon; Dingdong gusto pang humirit ng 2 anak

BABALIK lang si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa paggawa ng teleserye kapag mas naging maayos na ang sitwasyon sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa misis ni Dingdong Dantes, hindi pa talaga niya kayang sumabak sa mga lock-in taping dahil natatakot siya para sa kalusugan at kaligtasan ng kanyang pamilya.

Sa vlog ng kapwa Kapuso actress na si Aiko Melendez, ibinahagi ni Marian ang ilan sa mga dahilan kung bakit ayaw muna niyang magtrabaho sa labas ng kanilang tahanan.

“Actually, dapat nga may gagawin ako (First Yaya) kaso kailangan naka-lock-in. Sabi ko talaga sa GMA, ‘Naku, sorry talaga. Hindi ko talaga kaya na mag-lock-in nang ganyan tapos nagpapadede pa ako kay Sixto (bunsong anak nila ni Dong).’ So sabi ko malabo talaga.

“Although very thankful naman ako kasi sabi ng GMA, ‘Understandable naman. Alam naman namin ‘yan ang isasagot mo. Pero kailangan mong bumawi.’ Sabi ko, ‘After ng lahat ng ‘to, for sure babalik at babalik ako sa soap,'” pahayag ng aktres at TV host.

Tinanong din ni Aiko si Marian kung napag-usapan na ba nila ni Dingdong ang tungkol sa kanilang baby number 3.

“Kung hiling at hiling din lang at pagbibigyan ako, sabi ko gusto ko pa magkaroon ng isa pang anak. One more.

“Actually gusto ni Dong dalawa pa. Sabi ko, ‘No, dad. Matanda na ako. One last na lang.’ Sabi ko, ‘One last na lang. One, one, one!'” sey ng celebrity mom.

Samantala, kilig overload ang mga Kapuso abroad sa nagdaang virtual event ng GMA Pinoy TV na #DongYan Stronger Together Funcon tampok sina Dingdong at Marian.

Hosted by Boobay, todo ang kwentuhan at kilig na ini-livestream sa GMA Pinoy TV Facebook page at dinumog ng fans mula sa iba’t ibang panig ng mundo! Hindi naging hadlang ang time difference sa kanila dahil marami ang nagpuyat o di kaya ay gumising ng maaga para sa DongYan.

Kapansin-pansin na talagang na-miss ng mga Kapuso ang Kapuso royal couple at thankful sila na naka-bonding nila sila kahit virtually lang muna.

Bagay na nagpakilig pa lalo sa mga dumalo ang pahayag ni Dingdong tungkol sa kanyang asawa, “Ako, matagal ko naman nang  na-discover na talagang siya ang gusto kong makasama forever, kahit saang lupalop pa kami.

“Kahit nasa loob lang kami ng kahon, isang kwarto, isang bahay, basta kasama ko siya okay ako,” pagmamalaki pa ng aktor.

Sumang-ayon naman si Marian sa kanyang hubby, “Ang swerte ko dahil nakapangasawa ako ng very responsible na lalake. Napakahalaga sa akin nu’n.” Dagdag na biro pa ni Marian, “Bonus na lang na gwapo siya.”

Additional good news para sa mga Kapuso Abroad dahil mapapanood ngayong buwan ng Mayo sa GMA Pinoy TV ang ilan sa mga pelikula ni Marian tulad ng “Ang Panday 2,” “One True Love,” “My Lady Boss,” at “Super Inday and the Golden Bibe”.

Read more...