EXTENDED hanggang ngayong araw ang 12th wedding anniversary celebration nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo dahil sa mga pahabol na pagbati ng kanilang mga supporter.
Kahapon, April 28, ang eksaktong anibersaryo nina Ryan at Juday bilang mag-asawa at talaga namang sandamakmak na mensahe ang kanilang natanggap mula sa mga fans at kapwa celebrities.
Sa Instagram, ibinandera ng isa sa mga masasabing ideal couple sa showbiz ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa at kung paano nila ipinagdiwang ang kaniang espesyal na araw.
Ipinost ni Ryan sa kanyang IG account ang portrait ni Juday kalakip ang isang quote mula sa nobela ni John Green na “The Fault in Our Stars.”
Ang caption na inilagay dito ng “Eat Bulaga” Dabarkads, “There will come a day when all our labor has been returned to dust, and I know the sun will swallow the only earth we’ll ever have, and I am in love with you.”
For her part, Juday posted back-to-back photos naman sa kanyang IG, isa ay kuha sa kanilang wedding at ang isa ay mula sa ginanap na intimate celebration para sa kanilang anibersaryo.
“Panalangin ko sa habang buhay… makapiling ka, makasama ka, ‘yan ang panalangin ko… Happy 12th my love, my life, my all… I love you forever,” mensahe ni Juday sa unang litrato na hango naman sa OPM classic na “Panalangin” ng APO Hiking Society.
“12 years married. 16 years together. 3 wonderful kids. Forever grateful. I love you, my only love,” ang caption naman niya sa ikalawang post.
Ibinandera nina Ryan at Judy Ann ang kanilang engagement noong June, 2008 na nangyari sa isang private resort sa Dumaguete, Negros Occidental.
Makalipas ang isang taon, nagpakasal ang dalawa sa isang private wedding ceremony sa San Juan de Nepomuceno Church sa San Juan, Batangas at biniyayaan nga ng tatlong anak — sina Yohan, Lucho at Luna.