AMINADO ang Kapuso comedienne na si Ai Ai delas Alas na hindi niya keri ang magtayo ng community pantry sa kanilang lugar.
May pangamba pa rin kasi ang Comedy Concert Queen sa mga ganitong klase ng pamamahagi ng ayuda sa mga kababayan nating nangangailangan.
In fairness, bago pa man mauso sa bansa ang mga community pantry at kitchen, madalas nang mamigay ng tulong si Ai Ai na ipinadadaan niya sa mga tinitulungan niyang mga simbahan.
Sa isang panayam, sinabi ng komedyana na balak niyang magbahagi ng food supplies na idadaan niya sa simbahan kung saan naroon ang kaibigan niyang pari.
Dito niya nabanggit na parang hindi niya kaya ang ginagawa ng iba nating mga kababayan, lalo na ang pag-o-organize ng community pantries.
“Iiwan ko lang (mga pagkain). Hindi na ako yung may pila na marami kasi, ‘di ba, nakakatakot din baka…
“Of course, alam naman natin na kapag magkakadikit, bawal ‘yon, ‘di ba, kasi magkakahawaan. Dapat hindi masyadong maraming tao,” pahayag ni Ai Ai.
Sabi ng Kapuso star, talagang malaki ang naitutulong ng mga community pantry sa mga Pinoy na hirap na hirap na ngayon sa buhay dulot ng pandemya ngunit delikado pa rin daw ito.
Paliwanag niya, may mga tao pa rin kasi na walang disiplina, “Yun ang magiging problema sa community pantry, ‘yung mga hindi sumusunod, ‘yun ang magiging problema.
“Di ba, isa rin ‘yan sa problema natin kung bakit dumarami ang COVID-19 ulit, e. Kasi, ‘di ba, ‘yung iba talaga hindi nagma-mask.
“Di ba, ‘yun ang nakalagay sa report, ‘yung iba walang mask, ‘yung iba walang faceshield.
“Kailangan nating sumunod. Hindi naman tayo first world country na marami tayong bakuna,” esplika pa niya sa nasabing interview.
“Third world tayo, mahirap tayong bansa. Hindi tayo mayaman na maraming magagawa ‘yung gobyerno, na lahat tayo pwede tayong lahat mabakunahan.
“Hindi, e, kailangan din natin ng self-discipline. ‘Yun ang hindi ko alam kung paano natin sosolusyunan,” magandang paliwanag ng komedyana na napapanood pa rin sa Kapuso primetime series na “Owe My Love.”