Napakamot na lamang sa kanyang ulo ang aking cricket nang malaman niya na nagsusumiksik daw sa senatorial lineup ng isang grupo ang isang ma-epal na personalidad.
Kilalang “B na B” as in bilib na bilid sa sarili ang personalidad na ito na minsan ring nabigyan ng pagkakataong mapasama sa isang ahensya ng gobyerno.
Maganda na sana ang takbo ng mga pangyayari pero tinarget ng ating bida ang posisyon ng isang cabinet secretary.
Abot-kamay na sana niya ang tagumpay dahil mahina rin ang performance ng kalihim na kanyang tinarget palitan.
Pero sumabog sa mukha ng ating bida ang kanyang kayabangan dahil ang akala niya ay siya lang ang matalino sa nasabing task force kung saan siya ay kabilang.
Saan ka ba naman nakakita na imbes na tumulong para masawata ang problema sa pandemya eh mas inuna pa niyang siraan ang grupo na kanyang kinabibilangan.
Iyun ang dahilan kaya siya pinagkaisahan sa grupo at nag-init rin ang ulo ng pangulo kaya kaagad niyang sinibak sa pwesto ang ating bida.
Mula sa pagiging cabinet secretary ay pagka-senador naman ayon sa aking cricket ang dream role ng personalidad na ito.
Bigla ko tuloy naalala ang isa pang kwento ang kaibigan kong brodkaster na bagama’t laging nakaputi ang ating bida eh sobrang itim naman daw ng ugali nito lalo na sa paninira sa mga hadlang sa kanyang ambisyon.
Ang bida sa ating kwento ngayong araw na laging may stethoscope sa leeg at nagpipilit maisama sa senatorial slate ng isang grupo kahit hindi naman siya sikat sa publiko ay madalas magpa-interview dahil siya raw ay eksperto ay si Mr. T.