Pokwang itutuloy ang Pantry Sisters: Nakakaluwag naman kami, so tulungan lang lahat tayo

SANAY na sanay na si Pokwang sa pagpapa-swab test dahil nga isa sa mga requirement para makapagtrabaho siya sa gitna ng pandemya.

Bukod sa mga show niya sa telebisyon at iba pang commitments, may tinapos ding pelikula ang komedyana kasama sina Sue Ramirez at Gloria Diaz, ang “Mommy Issues.”

Kuwento ni Pokey sa panayam ng ABS-CBN, “Nag-resume kami shooting November sa isang resort sa Pampanga for one week. Thankful kami natapos namin ang pelikula na walang nagkasakit.”

At dahil nga sa dami ng kanyang trabaho ngayong may COVID-19 pandemic, ilang beses na rin siyang sumailalim sa swab test.

“Ingat-ingat lang talaga, ang dami ko na ngang sundot!” sabi ng komedyana.

Palagi nga raw niyang tinatanong sa sarili kung kailan nga kaya matatapos ang health crisis na ito para bumalik na sa normal ang buhay ng mga Filipino.

Nabanggit din niya kung paanong naapektuhan ang anak niyang si Malia sa napakahabang community quarantine sa bansa, “Naaawa ako kasi parang lumiit ang mundo ng mga bata.

“Like other children her age, there are times na nagwawala sila dahil lagi lang nasa bahay. Kasi ang dami nilang gustong makita at gawin sa labas pero di pwede!” sey ni Pokey.

Kuwento pa ng TV host-comedienne, nu’ng minsan nga raw silang lumabas na mag-ina ay tuwang-tuwa si Malia nang makakita ng umaandar ng tren sa LRT, “Sabi niya look, it’a a train! Napaka-precious nung time na ‘yon!”

“So pinaka-Mother’s Day wish ko talaga sana ang mga bata mabigyan ng pagkakataon na makabalik sa normal na buhay, para magkaroon ng tamang edukasyon na hindi puro online,” aniya pa.

Nagpasalamat din siya Diyos dahil binigyan sila ng chance na makapagbakasyon ng tatlong araw sa Zambales last week matapos makakuha ng mga travel documents. “At least nakahinga kami! Heaven para sa amin nina Malia,” ani Pokey.

Kamakailan, nakiisa rin ang komedyana kasama ang partner niyang si Lee O’Brian at ang kaibigang si Paolo Ballesteros sa pagtatayo ng community pantry sa Antipolo.

“Pantry Sisters tawag namin. Tutuloy pa rin namin. Nakakaluwag naman kami, so tulungan lang lahat tayo. Pagkakaisa ‘yan ng mga Pilipino at hindi kailangang umasa sa gobyerno. Nakakatuwa, open ang mga palad ng mga kapitbahay pati sa pagre-repack ng pagkain!” pahayag ni Pokwang.

Tungkol naman sa pagpapaturok ng anti-COVID-19 vaccine, “Wala pa akong ‘Maxene Magalona’ (read: vaccine). Hindi ka naman pwedeng mauna dahil seniors and frontliners ang priority. And wala namang akong comorbidity, may topak lang ako!”

Read more...