Pokwang, Paolo sanib-pwersa sa pagbibigay ng ayuda; ‘Pantry Sisters’ tagumpay

TAGUMPAY at maayos na naitawid nina Pokwang at Paolo Ballesteros ang itinayo nilang community pantry sa kanilang lugar.

Nagtulungan ang dalawang celebrity at ang iba pa nilang mga kaibigan para maisakatuparan ang kanilang plano na makatulong kahit paano sa kanilang mga kababayan na hirap na hirap na sa buhay.

Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Pokwang ang kanilang bersyon ng community pantry na tinawag nilang “Pantry Sisters” na mula sa pelikula nina Paolo, Martin del Rosario at Christian Bables na “Panti Sisters.”

“Tagumpay ang aming #communitypantry ang #pantrysisters,” ang caption ni Pokey sa video at litrato ng pagpila ng mga residente sa kanilang community pantry.

Dito, pinasalamatan din ni Pokwang ang kapitbahay at kapwa komedyante na si Paolo na isa nga sa mga naging busy sa pamamahagi ng tulong sa mga kababayan nating patuloy na na naghihirap dulot ng COVID-19.

“Thank you sa mga kapit bahay ko sa pakikiisa at pakikipagtulungan @pochoy_29 @pjfuente @kikel_ salamat sa inyo… basta alam nyo na sino sino kayo, God bless,” mensahe pa ni Pokwang.

Bukod kina Pokwang at Paolo, ilan pa sa mga nagtayo ng kanilang community pantry ay sina Gabbi Garcia at Angel Locsin na naging kontrobersyal pa nga dahil sa nangyaring kaguluhan habang namimigay sila ng ayuda.

Ang nakakalungkot pa, may namatay na senior citizen na matiyagang pumila para lang makakuha ng kaunting ayuda mula sa aktres.

Inako ni Angel ang kasalanan at nangakong tutulungan ang pamilyang naulila ng pumanaw na matanda.

Humingi rin ng tawad ang Kapamilya star sa publiko at sinabing hindi niya kagustuhan ang mga nangyari. Ang nais lang daw niya ay makatulong at magpasaya ng mga tao sa kanyang kaarawan.

Read more...