Alvin Elchico basag sa netizens; nag-sorry kay Angel dahil sa ‘bargas’ na pagtatanong

UMALMA ang ilang tagasuporta ni Angel Locsin sa paraan ng pagtatanong ng Kapamilya news anchor na si Alvin Elchico kaugnay ng itinayong community pantry ng aktres.

Hindi nagustuhan ng fans ng dalaga ang umano’y “harsh” na interview ni Alvin Elchico kay Angel sa “TV Patrol” hinggil sa kaguluhang nangyari sa community pantry ng aktres sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Tinalakay sa panayam ang paghingi ng paumanhin ng aktres sa pamilya ng balut vendor na si Rolando dela Cruz, na namatay matapos himatayin habang nakapila sa pa-ayuda ni Angel. Inako rin ng dalaga ang responsibilidad sa mga naulila ng pumanae na senior citizen.

Sa isang bahagi ng panayam, tinanong nga ni Alvin si Angel ng, “Kahit may nangyaring ganito, meron ka pa rin bang susunod na ioorganisang community pantry o nadala ka na?”

Tugon ng aktres, “Wala na po, hindi na po.”

“Humihingi lang din po ako ng tawad sa lahat ng naabala. Hindi ko po talaga intensiyon, pansensiya na po talaga.

“Alam ko wala pong papel or silbi ang paghihingi ko ng tawad o pasensiya dahil sa mga nangyari, pero wala na po talaga akong masasabing iba kundi sorry lang po talaga,” pahayag pa ng fiancée ni Neil Arce.

Pagkatapos ng interview, maraming netizens ang nadismaya at na-offend sa istilo ng pagtatanong ni Alvin kay Angel.

Tweet ng isang netizen, “Grabe naman yung ‘nadala ka na’ parang kasalanan tlga ni angel, nag bigay lang sya, ang magulo ay yung mga Taong walang disiplina at hindi nah social distancing!”

“Sir @alvinelchico, I know you meant well. But the ‘Nadala ka na?’ seems a bit tone deaf to someone who is already crying already,” comment naman ng isa pang Twitter user.

Nang makarating sa news anchor ang sentimyento ng madlang pipol, nag-sorry naman siya agad at sinabing wala siyang intensyon na ipahiya o idiin ang aktres.

“Saludo tayo partner na umako kaagad, walang denial, e. Can you imagine it happened on her birthday na ang intention mo lang ay ang tumulong, di ba? So umamin naman,” depensa ni Alvin sa kanyang radio program.

“Ang dami nagsabi, napaka-harsh ko naman daw magtanong. Ine-explain ko kanina, wala kasi ako ear piece. Nagre-rely ako sa sound system.

“Pero ganu’n din naman po talaga ako magtanong, partner (Doris Bigornia), minsan. Nasanay kasi ako sa iyo na bargasan tayo magtanong, pero wala po tayong intensyong manakit. At saka sumagot naman po siya, e,” paliwanag pa niya.

Nabanggit din ng broadcast journalist at TV host ang komento ng kasamahan niya sa ABS-CBN News na si Sherrie Ann Tores.

“Kasi si Sherrie Ann, ayan kaibigan ko iyan. Si Sherrie Ann Torres, sabi niya medyo harsh nga. And I respect Sherrie Ann, and I believe Sherrie Ann.

“Ang ibig kong sabihin sa ‘nadala’ is parang may nangyari kasi so parang, ‘Na-trauma ka ba?’ Tama ba ang pakakahulugan ko o mali? At sinagot niya, sinagot niya. Ayaw na niya. Ayaw na po niya,” sabi ni Alvin.

Diin pa niya, “Para sa akin, paninindigan ko naman po yung tanong ko. Para sa akin, partner, valid naman yung tanong ko, hindi ba?

“Maybe sa manner siguro na parang bargas, pero ganu’n din po talaga ako magsalita na parang palasak na parang pabagsak, e.

“Sorry po, ah. Sorry po Angel, kung nakikinig ka. I didn’t mean to offend or to hurt. E, kababayan ko iyan, e, pinsan ni Colmenares iyan, e, ni Neri. Saludo tayo.

“Angel, if you’re offended, sorry ha kung na-offend ka. Sa mga fans po, sorry po kung na-offend kayo, but it was never my intention na i-offend po siya.

“I just asked it because I think valid po yung tanong, kasi nga with what happened, uulitin pa ba niya. Yun lang po ang ibig kong sabihin. And she answered it, Sabi niya, ‘No, hindi ko na uulitin,'” lahad pa ng news anchor.

Read more...