After 9 years, wish ni Yam na makatambal si Gerald natupad na; palaban pa rin sa hubaran

TAONG 2012 nang sabihin ni Yam Concepcion sa isang panayam na kung may gusto siyang maging leading man sa teleserye ang pipiliin niya ay si Gerald Anderson.

Bago pa lang that time ang aktres at nagpo-promote para sa launching movie niyang “Rigodon” na isang erotic thriller mula sa direksyon ni Erik Matti.

Ayon kay Yam, gusto niyang makatambal si Gerald dahil, “I think he’s really talented and he’s very good-looking.” Aniya pa, may pagkamisteryoso rin daw kasi ang aura ng binata.

Fast forward: Makalipas ang siyam na taon natupad din ang wish ng dalaga na makatambal si Gerald dahil magkasama na sila ngayon sa Kapamilya sexy drama na “Init Sa Magdamag”, kasama pa si JM de Guzman.

Sa nakaraang virtual mediacon ng serye ipinagtanggol pa ni Yam ang binata mula sa mga bashers nito, “Nababasa ko ‘yung mga comments. Nakakatawa at nakakatuwa na makita ‘yung reaction nila.

“Nakakatawa kasi sabi ng mga netizens, ‘O, Yam, mag-iingat ka kay Gerald, ah!’ Iyon ‘yung mga nababasa ko.

“Honestly, hindi ko naman kailangan mag-ingat. Siyempre nakikita nila sa TV, sinasabi nila, ‘Naku, matinik sa babae ‘yan! Hindi loyal.’ Hindi, eh.

‘Pag katrabaho mo si Gerald, he’s very professional at saka very gentleman. Hindi niya pinaramdam sa akin na may mali siya,” chika ng aktres na maligaya naman ngayon sa karelasyong non-showbiz guy.

Samantala, kahit na sexy drama ang “Init Sa Magdamag” siniguro ni Yam na bukod sa maiinit na love scenes niya with Gerald and JM, napakarami pang dapat abangan ang viewers.

“Actually yung mga ginagawa kong roles simula nu’ng nag-start ako sa showbiz lahat sexy. So parating ganu’n yung image ko. Pero feeling ko dito sa teleserye na-challenge ako more than just being sexy.

“Na-test yung vulnerability ko bilang actor at bilang tao din. Grabe as in na-push ako sa kung anong kaya kong ibigay na emosyon and na-experience ko din yung mga emotions na hindi ko pa na-e-experience dati.

“And it’s not just all about the love scenes. Kailangan siya sa kuwento eh. Hinihingi siya para mapaganda yung kuwento and I think needed siya for the scenes and not just para mapaingay yung teleserye or what. It’s part of the narrative, eh.

“Of course yung directors namin, yung guidance nila and na-protektahan nila kami. We felt very safe and it was all rehearsed so talagang very professional yung nangyari,” pahayag ng dalaga.

Tungkol naman sa mga intimate scenes niya sa serye, “Yung pinaka-unang sinyut namin ni Gerald na medyo intimate scene, yun yung first lock-in namin na hindi pa kami ganu’n ka-close.

“So nandu’n pa yung ilangan and stuff. So kinailangan namin magkaroon ng 30 minutes with each other to get to know each other. May ganu’n kami kasi nakita nila na naiilangan kami sa isa’t isa.

“And I think that helped also na maging comfortable kami sa isa’t isa. And then eventually parang naging natural na lang yung chemistry naming dalawa and we got comfortable with each other. Nakuha namin yung trust ng isa’t isa.

“Kasi hindi naman yan biglaan, hindi naman yan isang araw lang you trust the person already. So it takes a while for you to trust even your directors, even your co-actors.

“Since then nu’ng nakapag-usap kami ng get to know each other for 30 minutes nakatulong yun sa rapport namin and sa working relationship naming dalawa,” dagdag pa niya.

Pero feeling niya, mas matindi ang pinaggagawa nila ni JM na gumaganap na asawa niya sa kuwento, “Naku, mas mature yata yung kay JM. Mas mainit din yung mga eksena namin ni JM kasi siyempre siya yung asawa ko dito so mas medyo mainit. Ha-hahaha!”

Read more...