“Kapag sinabi (ng UN arbitral tribunal) na panalo tayo at ayaw ng China. I will not go to war. Pupunta ako sa China. Ngayon pag ayaw nila. I will ask the Navy to bring me to the nearest boundary, dyan sa Spratly, sa Scarborough…Bababa ako at sasakay ako ng jet ski, dala dala ko ang flag ng Filipino at pupunta ako dun sa airport (ng China) tapos itatanim ko. I will say this is ours and do what you want with me”.
Ito ang mga nakakatindig balahibong wika ng ating Pangulong Duterte sa Presidential Debates na ginanap sa Pangasinan noong April 2016.
Sa mga katagang ito, marami ang naniwala, umasa at nag-akala na si Duterte ang natatanging kandidato sa pagka-pangulo na itataguyod at ipaglalaban ang soberanya (sovereignty) at national territorial integrity ng Pilipinas laban sa agresibo at pambu-bully ng China, partikular sa usapin sa West Philippine Sea.
Nakakalungkot na ang mga nasabing binitawang salita ni Duterte ay pampulitika lamang pala sa panahon ng eleksyon. Isang retorika o sayusay (rhetoric) na kadalasan ginagamit ng mga politiko para makumbinse ang mga botante na ihalal sila.
Hindi maitatanggi na hindi natupad ng Pangulo ang kanyang mga pangako tungkol sa usaping West Philippine Sea. Lumabas ang desisyon ng Arbitral Tribunal noong July 2016 pabor sa Pilipinas ngunit hindi ito ginamit ng Pangulo laban sa China upang protektahan, bawiin at igiit ang ating soberanya at territorial integrity sa West Philippine Sea. Ang ating mga mangingisda ay tinaboy, tinakot at pinagbantaan ng ilang beses ng Chinese Coast Guard habang ang mga ito ay naglalayag at nangingisda sa atin mismong karagatan (West Philippine Sea), pero kailan man hindi nagpakita ng galit at tapang ang Pangulo sa ganitong uri ng pambu-bully ng China.
Patuloy at walang pakundangan ang pagsakop at pagkamkam ng China ng ating mga teritoryo sa West Philiipine Sea ngunit nasaan ang Pangulo na nangako at nagsabi na mag-jet ski at magtatanim ng ating bandila sa China airport. Nasaan ang Pangulo ng mistulang sinakop ng China ang ating Juan Felipe Reef sa West Philippine Sea ng illegal na ukupahan ito ng higit sa 200 Chinese maritime militia vessels?
Sinabi mismo ng Pangulo noong Lunes na hindi tayo handang makipagdigmaan laban sa China. Na hindi natin kayang paalisin ang mga ito dahil naka-posisyon na ang China sa dagat. Na hindi ito interesado sa mga isda at aakto lamang ito kapag nag-mina na ang China ng oil at precious stones sa West Philippine Sea.
Ang inihayag ng Pangulo ay kabaliktaran ng kanyang mga pinangako noong 2016 election. Imbes na mag-jet ski at magtanim ng ating bandila sa China, mistulang isinuko nya ang West Philippine Sea sa China. Tinalikuran niya ang kanyang constitutional obligations bilang pangulo na igiit ang desisyon ng Arbitral Tribunal. Na ipagtanggol ang national territorial integrity ng bansa laban sa China. “ Missing in action” ang Pangulo habang may tensyon sa West Philippine Sea. No comment din siya tungkol dito. Ano ba ang dahilan at ingat na ingat ang ating Pangulo na magsalita laban sa China? Sa ganitong kalaking isyu at crisis, hindi sapat ang salita at angal ng ating mga secretary ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Defense (DND). Ang kailangan ay ang malakas na kahol ng Pangulo. Ang kahol na papansinin lamang ng China. Ang kahol na magbibigay kasiguraduhan sa sambayanan na kaisa nila ang Pangulo sa laban na ito. Ang kahol na maaring magbibigay lakas loob sa sambayanan. Pero walang kahol. Nanahimik ang Pangulo sa Malacanang.
Ang ganitong posisyon ng Pangulo sa mga nangyayaring kaganapan sa West Philippine Sea ay direktang kontra sa pinag-uutos ng ating Constitution (Section 2, paragraph 2, of Article 12) na nagsasabi na dapat pangalagaan ng Estado ang yamang-dagat ng bansa sa mga karagatang nasasakop nito at dapat ilaan ang paggamit at pagtatamasa nito sa mga mamamayang Filipino.
Maaaring totoo na may “foreign affairs powers” ang Pangulo at siya ang “ chief architect” sa usaping foreign policy, gaya ng isyu sa West Philippine Sea. Pero tandaan sana na binigay sa kanya ang kapangyarihang ito upang protektahan ang interest at kapakanan ng sambayan at ng bansa.
Sa May 2022, tayo ay maghahalal ng bagong pangulo. Marami sa magiging kandidato sa pagka-pangulo ang mangangako ng kahit ano upang mahalal lamang, kasama ang pangakong itataguyod at ipaglalaban ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea. Suriin natin mabuti ang mga kandidato at huwag na muling madala sa mga buladas at bravado ng mga ito.
Ang kailangan natin ay isang Pangulo na tatayo at lalaban sa China.
Isang Pangulo na tunay na itataguyod at ipaglalaban ang ating interest sa West Philippine Sea.