KUNG mapaninindigan ni Angelica Panganiban ang desisyon niyang titigil na sa paggawa ng teleserye, last na niya ang “Walang Hanggang Paalam” na nagtapos na noong nakaraang linggo.
Kamakailan ay nag-post ang aktres ng mga masasayang araw nila sa taping ng nasabing programa kasama ang buong cast kabilang na sina Paulo Avelino, Cherry Pie Picache, Ronnie Lazaro, JC Santos at Zanjoe Marudo.
Ang caption na isinulat ni Angelica sa kanyang post, “Masaya, mahirap, nakakapagod, nakakabaliw, nakaka tulala, pero MASAYA. Kakaibang experience ang dulot ng Walang Hanggang Paalam.
“For 6 months, magkakasama kami sa isang hotel na naging bahay na namin.
“Katrabaho na naging pamilya. Hindi madali na malayo ka sa comfort zone mo lalo na sa panahon ng pandemya.
“Pero itong samahan na ito ang nagpatibay ng kalooban at agam agam sa mga panahong bibigay ka na.
“Malaking pasasalamat ko sa ABSCBN, Dreamscape family dahil naisip nilang isama ako sa proyektong ito.
“Nabatukan ko siguro ang sarili ko kung tinanggihan ko ang show na ‘to,” pahayag ng dalaga.
Saad pa ni Angelica, “Sa lahat ng sumubaybay sa Walang Hanggang Paalam, taos pusong pasasalamat. Wala kami, kung wala kayo.
“Pero katulad ng lahat ng bagay, meron itong katapusan. At hanggang dito na lang po kami. Kahit mahirap magpaalam, ito ay kailangan. Paalam mula kay Celine Delgado,” aniya pa na ang tinutukoy ay ang karakter niya sa nagtapos na Kapamilya serye.
Samantala, sa walong larawan at video na ipinost ni Angge sa kanyang IG account narito naman ang inilagay niyang caption.
“1. Normal po ang energy kong yan. Wag kayo magtaka.
“2. Medyo matagal nila ko hinintay matapos sa ‘ask angelica’ taping ko para sumaya na uli ang kwentuhan nila.
“3. Nag dagat ang Chudy Gang.
“4. Walang hanggang talkshow kasama si guuurl.
“5. Itsura ko pagkatapos kong umiyak for 12 hours. Dahilan kung bakit huling teleserye ko na ‘to.
“6. Nu’ng humaba na buhok ni tito ron sa tagal namin sa WHP.
“7. Ang pamilya Hernandez. Na nilalangaw sa kabutihan nila.
“8. Mahilig talaga kami sumayaw.
“Habang buhay na pasasalamat sa pamilyang nabuo. Mabuhay, Chudy Gang! Live on.”