‘Budoy’ ginagamit ng bashers para insultuhin si Gerald: Paano n’yo nagagawa yun?

NALULUNGKOT si Gerald Anderson kapag ginagamit ng mga basher si “Budoy” para laitin, hiyain at gawin siyang katatawanan sa social media.

Ang “Budoy” ay isa sa mga teleseryeng ipinagmamalaki ng Kapamilya hunk actor at palagi niyang sinasabi na forever siyang magiging grateful sa pagganap niya noon bilang si Budoy.

Siguradong kilalang-kilala pa rin ng madlang pipol si Budoy dahil nga isa ito sa mga drama series ng ABS-CBN (2011) na nagmarka sa manonood kung saan gumanap si Gerald bilang isang lalaking may kundisyon na Angelman Syndrome.

Nag-react ang binata sa isang panayam tungkol sa mga taong ginagamit si Budoy para okrayin at insultuhin siya. Hindi naman daw tamang gamitin ang isang makabuluhang serye sa pangnenega at panglalait sa kapwa.

Simulang pagbabahagi ng binata sa panayam ng ABS-CBN tungkol kay Budoy, “Sa career, dahil mas napansin ‘yung craft, and sa buhay ko, dahil grabe ‘yung impact ng nabigay nu’n sa mga magulang na may special children, sa mga special children mismo.”

Pahayag ni Gerald, talagang kinakausap siya ng mga parents na may anak with special needs para sabihing napakalaking tulong sa kanila ang panonood ng “Budoy” noon na nagsilbi ring inspirasyon at eye opener sa bawat pamilyang Filipino para mas maintindihan ang mga batang may developmental and congenital conditions.

“Na-expose kung ano ‘yung hirap na pinagdadaanan ng pamilya na may special child. It just shows how positive they are compared sa mas may kakayahan sa pag-iisip. Kumbaga, kahit ano ‘yung pinagdadaanan nila, nakangiti pa rin,” lahad ni Gerald.

Nag-iba rin daw ang pananaw niya sa iba’t ibang aspeto ng buhay mula nang gampanan niya ang karakter ni Budoy.

“Unang-una, hindi ako nao-offend (kapag tinatawag siyang Budoy). Pangalawa, natutuwa pa nga ako na it’s been so long, naaalala niyo pa ‘yung character na ‘yun.

“Iyong magbigay ng hate, even not using Budoy, it shows your character. But for you to use the character of Budoy, isang special child, paano mo nata-type (naipo-post sa socmed) ‘yun?

“Ano’ng tumatakbo sa isip mo para mag-hate ka and use ‘yung ganoong klaseng tao to get back at me for whatever reason kung bakit ayaw mo sa akin?” sabi pa niya.

Dagdag pa ng aktor, “At the end of the day, ‘pag nakikita ko ngayon, wala ‘yung effect na siguro iniisip nila. It just makes me sad for other people.

“I will forever be proud of Budoy. Kahit paulit-ulit mo akong tawagin na Budoy buong buhay ko, it’s something I’ll always be proud of,” sabi pa ng lead actor ng bagong Kapamilya series na “Init sa Magdamag”.

Kamakailan, sinabi ng boyfriend ni Julia Barretto na hangga’t kaya ay dinededma na lang niya ang mga pangnenega sa kanya ng mga bashers.

Aniya, “It’s sad because there’s so much hate sa social media. But ‘yung celebrity side naman ng buhay ko, you really have to block that out. Tuloy ang buhay.

“Kahit ano naman ang sasabihin mo, maraming hindi iyon tatanggapin, kung anuman ang explanation mo at kung sino ka. At hindi ko na problema ‘yun,” dagdag pa ng hunk actor.

Read more...