“Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa kailangan”. Ito ang karaniwang tema ng mga nagsulputang community pantries sa ibat ibang dako ng bansa. Sinimulan ng isang batang negosyante na si Ana Patricia Non at ng mga kapitabahay sa Maginhawa street, Quezon City, ito’y lubusang tinularan ng marami pang civic-minded na mga Pilipino hindi lamang sa Metro Manila at Luzon kundi maging sa Visayas at Mindanao.
Ayon mismo kay Miss Non, ang ginagawa niya ay simpleng tulong lamang sa nagdarahop at nangangailangang mamamayan. Mula sa mga pamilyang may sobrang pagkain sa kanilang tahanan, taos puso itong ibinibigay sa mga pamilyang walang makain o talagang nangangailangan. Sa madaling salita, ito’y simpleng tulungan ng may kayang kapitabahay nagbibigay ng personal na ayuda sa mga naghihirap na kapitabahay.
Ito’y hindi galing gobyerno, hindi rin ito galing sa baranggay, hindi galing sa mga pulitiko, hindi rin galing sa mga simbahan, at lalong hindi galing sa mga komunista o maging sa mga military. Dugo at pawis ito ng simpleng mamamayan na donasyon sa kapwa.
Kayat nakakalungkot na pinapasukan ito ng mga intriga, batikos, sisihan ng mga taong may iba-ibang layunin. Marami ang umaagaw ng kredito, bumibida upang samantalahin ang kabutihang loob ng mga “nagdodonasyon” at painitin lalo ang tulirong damdamin ng mga naghihirap na pamilyang nakikinabang dito.
Ang Department of Health ay nangangamba sa kalusugan ng mga pumipila at sinabing dapat daw itong i-supervise ng mga LGU’s. Ang mga militar, pinapasukan ng “red-tagging” ang mismong Maginhawa community. Ang mga makakaliwa, tinatawag itong “act of resistance” laban sa gobyerno.
Nandyan din ang mga pulitikong pumupusisyon sa darating na halalan na malathala lang sa dyaryo o ma-brodkas, ay ginagamit itong pampadami ng puntos. Maging simbahan ay sumakay na rin at ang mga sermon ay naglalayon ding kumplikahin ang simpleng sitwasyon.
Sa halip maglabas ng pera o magdonasyon ang mga pulitikong ito at magtayo ng sariling “community pantry” sa harap ng kanilang mala-palasyong tahanan, “media mileage” ang pinupuntirya. Sa halip na bumatikos, hindi bat napakagandang makita kung ang mga “progresibong” grupo ay merong sariling “community pantry” sa kanilang mga lugar. Ganoon din naman sa bawat kampo ng militar o sa bawat presinto. Hindi bat napakaganda rin kung bawat simbahan ay magkaroon ng “blessing boxes” kung saan magtutulungan ang mga mamamayan sa bawat parokya.
Hindi bat mas magandang makita natin na ang mga bawat opisyal ng gobyerno mula kay Pangulong Duterte hanggang sa janitor ay magtayo rin ng “community pantry” sa bawat tanggapan nila?
Sa ganitong paraan, makikita at mapapatotohanan natin ang napakagandang diwa ng “tulungan” ng kapwa Pilipino. Ika nga, “sobra mo, ibigay mo, kulang mo kunin mo”. At huwag ka nang lumayo at sa mismong labas ng bakuran mo ay ipakita mo ang tunay na diwa ng pagtulong sa kapwa. Magtayo ka ng sarili mong bersyon ng “community pantry”.
Sa totoo lang, nalulungkot ako sa ganitong pagpasok ng ibat ibang agenda ang isyung ito ng “community pantry”. Pati itong Maginhawa, natigil pansamantala dahil sa “redtagging” ng militar at makakaliwa.
Pwede bang tigilan na ninyong lahat ang paggamit sa isyung ito? Huwag pakialaman ang napaka-simpleng tulungan ng mga nakaririwasang Pilipino sa naghihirap nilang kababayan.
Tigilan na ang pagsakay-sakay sa damdamin ng taumbayan.
Alam ng ng tao kung bakit palaging magulo ang bansa natin, ito’y dahil sa walang tigil ninyong pagsawsaw sa bawat isyu na kung tutuusin ay wala naman kayong kinalaman.