BINULABOG ang mga Pilipinong masugid na sumusubaybay sa beauty pageants ng balitang ang Filipinong kumpanyang Bragais Shoes ang opisyal na gagawa ng mga sapatos ng mga kalahok sa ika-69 edisyon ng Miss Universe sa Mayo.
Sinabi sa Inquirer ng may-ari ng kumpanyang si Jojo Bragais, dalawa lang ang hiling ni Miss Universe Organization (MUP) President Paula Shugart para sa mga sapatos — dapat “sexy and comfy” ang mga ito, at may sari-saring kulay na tutugma sa iba’t ibang balat ng mga kandidata.
Tatlong disenyo umano ang ipinakita niya kay Shugart, na nagbigay sa kanya ng “freedom to go with what I feel is best, and totally trusted me with the shoe aesthetic.”
Dagdag pa ni Bragais, “If I’m not mistaken, they’re for pre-pageant activities and preliminaries. Then a silver pair for the swimsuit round.”
Bago naisakatuparan ang kasunduan sa pagitan ng MUO at Bragais Shoes, nakatanggap muna si Bragais ng tawag mula kay Miss Universe Philippines (MUP) Business Development and Marketing Head Mario Garcia. Pagkatapos nito, tinawagan siya mismo ni MUO Vice President for Business Development and Marketing Shawn McClain mula sa Amerika.
“I also want to say thank you to [Filipino fashion designer] Bessie Besana for helping me out, making sure everything will run smooth between me and the MUO,” binahagi ni Bragais, sinabing pahirapan ang negosasyon dahil sa mga limitasyong bunga ng pandemyang bunsod ng COVID-19.
Pinagsikapan niyang maitawid ito, sapagkat katuparan ito ng kanyang pangarap.
“This milestone for Bragais Shoes is like a validation for each and every small shoe factory here in the Philippines that proudly Pinoy-made shoes are on par with international brands,” sabi ni Bragais.
“It means that every dream is valid and it’s possible if you put your heart in something you love,” sabi pa ng shoe designer mula sa Albay na may Flagship store rin sa Scout Borromeo sa Quezon City.
Bragais Shoes na ang opisyal na sapatos ng Binibining Pilipinas pageant mula 2015, at naging suki na ng mga Pilipinang kandidata sa mga patimpalak sa iba’t ibang lalawigan, at maging sa mga entabaldong pambansa at pandaigdigan.
Naging opisyal na sapatos din ang Bragais Shoes sa ilang patimpalak sa ibayong-dagat, kabilang ang Miss Grand Japan pageant.
Sa ngayong, nakatutok pa si Bragais sa pagtugon sa pangangailangan ng MUO. “I just wanna enjoy the moment and I will see whatever opportunity will open afterwards,” aniya pa.