Jhong nagpaalam sa Showtime at YFSF: Inisip ko muna talaga yung anak ko…

MABIGAT man sa kanyang kalooban, nagdesisyon na si Jhong Hilario na magpaalam na sa reality talent competition ng ABS-CBN na “Your Face Sounds Familiar.”

Sa episode kagabi ng “YFSF” season 3, humarap ang actor-TV host sa madlang pipol sa pamamagitan ng zoom video para ipaalam ang pormal na pag-atras niya contest.

Aniya, ayaw man niyang mag-resign sa show ngunit mas priority pa rin niya ang bagong panganak nilang baby ni Maia Azores na si Sarina.

Ito rin ang dahilan kung bakit hindi muna siya napapanood sa “It’s Showtime. Paliwanag niya, “Nakakalungkot na sabihin ito sa inyong lahat, kailangan ko munang magpaalam sa Your Face Sounds Familiar.

“Meron kasing bata na alam mo, kapag may naramdaman ang bata, hindi siya nakakapagsalita, e.

“Pinag-isipan ko ito, hindi ako nakatulog pero itong desisyon po na ito, talagang inisip ko talaga yung anak ko, e,” esplika ni Jhong.

“Gusto kong malaman niya paglaki niya, kaya ko ginawa yun dahil mahal ko siya,” aniya pa.

Sabi naman ng “YFSF” host na si Luis Manzano, “Maiintindihan namin iyon. Mahal ka namin and sabi nga natin, always family first.

“Kaya sa ngalan ng lahat ng kasamahan mo dito sa Your Face, nalulungkot man kami na hindi man makasama ang isang Jhong Hilario, e, naiintindihan namin.

“We wish you the best sa newest chapter ng iyong buhay. Good luck and we will see you soon, our Sample King Jhong Hilario,” aniya pa.

Huling mensahe pa ni Jhong sa lahat ng Kapamilya viewers, “Gusto kong pasalamatan ang ABS-CBN management, ang Your Face Sounds Familiar family dahil sa pag-iintindi nila na nagpaalam ako sa kanila and sinabi nila na yes, family first.

“Kaya maraming salamat po, Kapamilya. Maraming maraming salamat po,” sabi pa ng aktor.

In fairness, si Jhong talaga ang strong contender sa “Your Face Sounds Familiar” simula noong magsimula ang season 3 noong February.

Ang iba pang celebrity contenders ay sina Klarisse de Guzman, CJ Navato, Lie Reposposa, Vivoree Esclito, Geneva Cruz, Christian Bables at ang singing trio na iDolls (Matty Juniosa, Lucas Garcia at Enzo Almario).

Read more...