IISA pa rin ang birthday wish ngayong taon ng TV host-comedian na si Vice Ganda na nag-celebrate ng kanyang kaarawan two week ago.
Kahit late na, ipinagdiwang pa rin ng buong production ng “It’s Showtime” ang birthday ni Vice sa muling pagbabalik ng programa sa studio kahapon nang live na live.
Three weeks din nawala sa ere ang noontime show ng ABS-CBN matapos ipatupad muli ang enhanced community quarantine sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil bigla na namang tumaas ang bilang ng mga COVID patients.
“Live na po kami para sa inyo para aliwin kayo dahil alam naming uhaw na uhaw kayo na malibang sa piling namin.
“Kayang-kayang pawiin iyan basta lumaklak lang tayo ng good vibes and positivity every day. Lagi niyong tatandaan na every day is essential. Every life is essential,” pahayag ni Vice Ganda.
Kitang-kita naman ang pagsunod ng mga hosts ng show sa studio sa safety protocols dahil layo-layo sila bukod pa sa wala talagang live audience.
“Sumusunod tayo sa protocol. Mas doble ingat. Hiwa-hiwalay kami dito sa studio. Okay lang malayo basta walang sakit. Mas importante ‘yung safe,” sabi naman ni Vhong Navarro.
Samantala, isa-isa namang bumati kay Vice ang kanyang mga kasamahan sa “Showtime” kasabay ng pagbibigay ng kanilang mga wish sa Phenomenal Box-Office Star.
“Nakakaiyak talaga kasi ‘yung emotions natin ngayon, extra sensitive tayo. I just want to say thank you na tinanggap mo ako dito.
“Kasi may iba na hindi nila ako masyadong tanggap dito. Thank you for being so generous. Sobrang giving mo sa amin lahat dito.
“Medyo natatakot kaming mag-joke kasi hindi namin alam kung nakakatawa or hindi, pero sinasalo mo kami. Your kindness shows,” mensahe ni Kim Chiu.
“Thank you for being our strength kasi kahit na nung panahon na umuuga ang bangka, ikaw ang tumayo at sumigaw ka ng kapit.
“Kahit alam mong nahihinaan na kami ng loob, kahit ikaw sa sarili mo nanghihina na rin, tumayo ka at sumigaw ka at sinabing kapit at walang bibitaw. We appreciate that Vice,” sey naman ni Amy Perez.
Narito naman ang birthday message ni Vice, “Mahirap ang pinagdadaanan natin pero nakakaraos tayo dahil magkakasama tayo.”
“Marami tayong kinakatakutan pero dahil sa pagsasama-sama natin, mas nagiging makapangyarihan ‘yung pag-asa natin na lahat ng ito ay matatapos.
“Yun ang kine-claim natin, na matatapos ito very soon. Hindi natin alam kung kailan ‘yung exact date pero very soon,” aniya pa.
Sa huli, sinabi pa ng komedyante na ganu’n pa rin ang birthday wish niya this year — ang matapos na ang pandemic sa buong mundo at bumalik na sa normal ang lahat.