KINAILANGANG magpakonsulta sa dalawang psychiatrist at tatlong psychologist ang dating Kapuso actress na si Iwa Moto para sa kanyang mental health.
Ito ang ibinunyag ng partner ni Pampi Lacson patungkol sa pinagdaanan niyang laban sa issue ng mental health at kung paano niya ito napagtagumpayan.
Inamin ng StarStruck Avenger sa panayam ng “24 Oras” na isa ito sa pinakamatinding pagsubok na hinarap niya sa buong buhay niya dahil ang naging kalaban nga niya ay ang sarili niyang emosyon.
“Dati kasi rather than harapin ko yung problema ko, I run away. Kasi nakakapagod, nakaka-stress, nakakaubos ng pagkatao,” pahayag ni Iwa.
Isa raw sa naging dahilan ng matindi niyang kalungkutan at anxiety ay ang pagpanaw ng kanyang ama noong 2009 pati na ang paghihiwalay nila ng dating asawa.
Kuwento ng hindi na aktibong aktres, dinedma lang niya ang signs and symptoms ng kanyang nararamdaman hanggang sa ipanganak na niya ang anak nila ni Pampi na si Mimi.
“Nagba-blackout na hindi ko alam ang ginagawa ko. Bago nila ako nabigyan ng findings, it took me two psychiatrists and three psychologists para lang ma-confirm what was the reall problem,” kuwento pa ng Kapuso star.
Matapos magpatingin sa eksperto, taong 2017, nalaman niyang meron na pala siyang bipolar disorder with severe panic attacks at post-traumatic disorder.
Dito na siya nagsimulang humingi ng tulong sa psychiatrist at psychologist hanggang sa unti-unti nang bumuti ang kanyang kundisyon.
Sa ngayon, kaya na niyang makipag-usap sa ibang tao tungkol sa mga pinagdaanan niya noon at kasama raw sa “healing process” ang ginawa niyang pagpapatawad sa mga taong nagkasala sa kanya para na rin sa kanyang kapayapaan.
Paalala ni Iwa sa lahat ng may mga pinagdaraanan na may konek sa mental health, huwag magdalawang-isip na humingi ng tulong sa mga eksperto. Huwag din daw mahiyang makipag-usap sa pamilya.
Mensahe pa ni Iwa, “I’m not saying I’m perfect. I am far from being perfect but I am better right now.”
Last January, 2021 ipinanganak naman ng aktres ang second baby nila ni Pampi na si Caleb Jiro.