Kinalampag na ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) si Pangulong Rodrigo Duterte sa pangako nito na dodoblehin ang suweldo ng mga pampubikong guro.
Ibinahagi ni ACT Sec. Gen. Raymond Basilio na kailangang-kailangan ngayon ng mga guro ang pera dahil sa mataas na halaga ng mga bilihin at gastos sa pagsasagawa ng distance learning.
“More than 9 out of 10 public school teachers receive salaries that are way lower than the family cost of living. This speaks volumes on how their families suffer with soaring prices amid the health and economic crisis, while they bear the brunt of the ill-funded distance learning program,” dagdag ni Basilio.
Binanggit pa niya na base sa datos ng Ibon Foundation ang isang pamllya na may limang miyembro ay nangangailangan ng P31,920 kada buwan para maayos na mabuhay.
Aniya ang 93 porsiyento ng mga guro ay may ranggo lang na Teacher 1 hanggang III at sumusuweldo lang ng P23,877 hanggang P30,547.
Diin niya isang taon na lang sa puwesto si Duterte at wala pa itong paramdam na matutupad ang kanyang pangakong umento sa mga pampublikong guro.
Diin niya galit na ang mga guro sa pangako ni Duterte na napapako at aniya patuloy nilang ipaglalaban kung ano ang nararapat para sa kanila.