Modus ng Budol-Budol Gang buking ni Ara; binalaan ang mga kapwa negosyante

NAALARMA ang aktres na si Ara Mina nang malamang may isang sindikato na nagtangkang pagnakawan ang kanyang cupcake business.

Ibinalita ni Ara sa madlang pipol sa pamamagitan ng social media na may taong nagpapanggap at gumagamit sa pangalan niya para lokohin ang kanyang mga empleyado sa Hazelberry.

Nakikipag-communicate raw ang nasabing scammer sa ilang staff  niya sa mga branch ng kanyang cupcake shop.

Sa Instagram, ibinahagi ni Ara ang mga screenshot ng mensahe ng nagpanggap na siya at ipinadala sa kanyang mga empleyado na nagtatanong kung sinu-sino ang mga pumasok sa trabaho.

Masamang-masama ang loob ng aktres dahil sa mga manlokoko na nambibiktima ng mga inosenteng tao at nagtatrabaho lang nang matino at patas.

“Sa ganitong panahon ng pandemic, hindi ko lubos maisip kung bakit may nakakagawa pa ng ganitong panloloko,” pahayag ni Ara Mina.

Hinala pa ng aktres, “Someone or maybe some people are attempting na lokohin at pagnakawan ang mga branches ng #Hazelberry by sending messages like these at nagpapanggap na ako. Ang galing ng mga taong ito.”

Buti na lang daw may presence of mind ang kanyang mga empleyado at hindi agad nagpaloko sa mga hinihinalang miyembro ng Budol-Budol Gang.

“Salamat na lang sa Diyos at alisto ang mga staff namin and they know what to do sa mga kaduda-dudang pagkakataon,” aniya pa.

Dagdag ni Ara, napakaliit lamang ng negosyo niya at talagang pinagsisikapan lamang niya na ipagpatuloy ang operasyon nito para hindi mawalan ng trabaho ang kanyang staff sa gitna ng pandemya.

Nagpaalala rin siya sa mga kapwa negosyante na triplehin ang pag-iingat laban sa ganitong modus ng mga sindikato lalo na ngayong napakahirap na talaga ng buhay.

“Anyway, sa mga kapwa ko business owners, beware of ploys such as this. Be safe, not only against the virus,” pahayag pa ni Ara Mina na napapanood pa rin ngayon sa serye ni Coco Martin na “Ang Probinsyano.”

Read more...