Marahil ay kabilang kayo sa mga netizen na halos ay araw-araw nagpapadala ng sympathy messages sa inyong mga kakilala o kanilang mga kaanak na namatay dahil sa Covid-19.
Totoong nakaka stress ang mga larawan ng kandila o kulay itim na profile pic ng inyong mga Facebook friends na namatay o naulila dulot ng pandemya.
Totoo ang Covid at hindi ito dapat ipagwalang-bahala ng bawat isa sa atin.
Noong April 1 ay isa sa aking mga kaibigan at dating kaklase sa kolehiyo ang namatay dahil sa Covid-19.
Si Atty. JB ay isang matagumay na lady executive ng isang law firm sa Ortigas Center na puno ng pangarap sa kanyang buhay.
Bagama’t single ay masaya siya sa takbo ng kanyang career pero walang nakakakabatid na sa isang iglap ay mawawala siya sa mundong ibabaw.
Walang sakit, malusog at masayahing tao si Atty. JB hanggang sa dapuan siya ng lagnat noong March 25.
Ang inaakalang simpleng lagnat at trangkaso ng kanyang mga kaanak ay lumala hanggang sa dumaing siya ng hirap sa paghinga kaya isinugod siya sa emergency room ng isang ospital sa Maynila noong March 27 at sa pamamagitan ng mga test ay nalamang positibo pala siya sa Covid-19.
Makalipas lamang ang ilang oras ay inilipat siya sa intensive care unit ng ospital kung saan ay namalagi siya ng ilan pang mga araw.
Bukod sa lagnat ay hindi na siya nakarekober sa hirap sa paghinga.
Hapon noong April 1 ay namatay ang kaibigan naming si Atty. JB dahil sa Covid-19.
Hindi ko isinulat ang artikulong ito para manisi kundi may magbigay paalala na ang pag-iingat ay dapat magmula sa atin.
Hangga’t kaya nating palakasin ang ating mga katawan ay gawin natin.
Hangga’t kaya nating umiwas sa maraming mga tao ay gawin natin hindi lamang para sa ating sarili kundi sa ating mga mahal sa buhay na rin.
Tama ang pahayag ng isa kong kaibigan na si Manong Guard na ang ating pangunahing tungkulin para sa ating mga mahal sa buhay, sa lipunan at sa sarili natin mismo ay ang huwag tayong tamaan ng anumang sakit sa kasalukuyang panahon.