Maraming natatanggap na reaksyon at komento ang dalaga mula sa netizens nang mag-viral sa social media ang trailer ng kanilang bagong teleserye sa ABS-CBN.
Sa ginanap na virtual mediacon para sa “Init sa Magdamag” natanong si Yam kung ano ang masasabi niya sa napakainit na pagtanggap ng madlang pipol sa trailer ng bago nilang show na talaga namang pinag-usapan nang husto sa socmed.
Ito yung eksena kung saan naghubad si Gerald sa harapan ni Yam at tanging boxer briefs lang ang natira nitong saplot sa katawan. In fairness, milyun-milyon na ang nakuha nitong views.
Kuwento ni Yam, “Nababasa ko ‘yung mga comments. Nakakatawa at nakakatuwa na makita ‘yung reaction nila. Nakakatawa kasi sabi ng mga netizens, ‘O, Yam, magi-ingat ka kay Gerald, ah!’ Iyon ‘yung mga nababasa ko.”
Dagdag pang paliwanag ng aktres, “Honestly, hindi ko naman kailangan mag-ingat. Siyempre nakikita nila sa TV, sinasabi nila, ‘Naku, matinik sa babae ‘yan! Hindi loyal.’ Hindi, e. Kapag katrabaho mo si Gerald, he’s very professional at saka very gentleman. Hindi niya ipinaramdam sa akin na may mali siya.
“It’s just purely work. Despite being purely work, naparamdam niya sa akin ‘yung emosyon na totoo. I still felt his honesty bilang si Tupe, ‘yung character niya,” sey pa ni Yam.
Aminado naman ang aktres na may ilangan factor talaga nu’ng unang kunan ang halikan at love scene nila ni Gerald sa “Init sa Magdamag.”
“Hindi pa kami ganoon ka-close. Nandoon pa ‘yung ilangan. Kinailangan naming na magkaroon ng 30 minutes with each other to get to know each other. May ganoon kami, kasi nakita nila na naiilang kami sa isa’t isa,” pahayag ng dalaga.
Aniya pa, “Eventually, naging natural na lang ‘yung chemistry naming dalawa and we got comfortable with each other. Nakuha namin ‘yung trust ng isa’t isa.
“Kasi hindi naman ‘yan biglaan, hindi naman ‘yan isang araw lang, you trust the person already. It takes a while to trust even your directors, even your co-actors,” esplika pa niya.
Sabi naman ni Gerald tungkol sa kanilang intimate scenes, “It was a challenge kasi wala kaming pinagsamahan. We’d never had a conversation.”
Malaki rin daw ang naitulong sa kanya ni Yam na magampanan nang maayos ang kanilang mga eksena dahil sa husay at professionalism nito, “Gusto ni Yam ‘yung ginagawa niya, e. She’s very passionate sa trabaho niya. She’s very professional. Kapag ganoon ‘yung kasama mo, hindi siya mahirap.
“She’s very humble, down-to-earth, madaling kausap. Madali lang. ‘Pag ganoon ‘yung kasama mo, it makes everything lighter,” chika pa ng boyfriend ni Julia Barretto.
Mula sa Star Creatives, mapapanood na ang “Init sa Magdamag” simula sa April 19 sa siyam na platforms — via Kapamilya Channel, Jeepney TV, A2Z, TV5, TFC, Kapamilya Online Live, iWant TFC, WeTV at iflix. Kasama rin nina Yam at Gerald dito si JM de Guzman na siyang gaganap na kontrabida.