Muling nakapagtala ng pagtaas sa download speed para sa fixed broadband internet sa Pilipinas noong nakalipas na buwan ng Marso, ayon sa ulat ng Ookla Speedtest Global Index.
Ayon sa report ng Ookla, 7.79Mbps ang naitalang pagtaas sa internet speed kung saan mula sa 38.46Mbps noong Pebrero ay umakyat sa 46.25Mbps noong Marso. Ito ang maituturing na “highest jump” sa internet speed ng bansa mula nang mag-umpisa ang Duterte administration.
Katumbas ito ng monthly increase na 20.25% at 484.70% increase sa download speed ng bansa kung ikukumpara sa 7.91Mbps noong July 2016.
Ang overall performance naman para sa mobile network ay bahagyang bumaba mula sa 26.24Mbps noong Pebrero sa 25.43Mbps noong Marso.
Sa kabila nito, ang mobile network performance sa bansa ay mataas pa rin ng 241.80% mula sa 7.44Mbps lamang noong July 2016.
Ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2020 na pabilisin ang proseso sa aplikasyon ng permit sa mga local government units para sa pagtatayo ng cellular towers.
Simula noon, tumaas ang bilang ng inilalabas na permits mula July 2020 hanggang March 2021.
Magugunitang noong Marso 8, 20201 ay pormal nang inilunsad ang DITO Telecommunity, ang third na telco sa bansa.
Nag-ooperate na ngayon ang DITO sa Visayas at Mindanao. Sa kalagitnaan ng taon, target ng DITO na magkaroon na rin ng operasyon sa Metro Manila.
Dahil dito inaasahang mas bubuti pa ang internet speed dahil umigting ang telco market competition sa pormal na paglulunsad ng DITO.