FEU nasilat ng UST sa double overtime

Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
2 p.m. NU vs UP
4 p.m. La Salle vs UE
Team Standings: NU (8-3); FEU (8-4); La Salle (7-4); Ateneo (6-5); UST (6-5); UE (5-5); Adamson (4-8); UP (0-10)

NAIPASOK ni Jeron Teng ang kanyang buslo sa huling 1.7 segundo para bigyan ang De La Salle University ng 66-64 panalo sa karibal na Ateneo de Manila University sa 76th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Bago ito ay isang buslo sa limang attempts lamang ang naisalpak ni Teng pero sa kanya pa rin ipinagkatiwala ang game winning play para umangat ang Green Archers sa ikatlong puwesto sa 7-4 baraha.

Sinikap man na sabayan sa depensa ni Chris Newsome, hindi naman nito napigilan ang 12-foot jumper ni Teng upang walisin ng La Salle ang dalawang pagkikita nila ng Ateneo sa elimination round.

Si Almond Vosotros ay mayroong 19 puntos, si Jason Perkins ay may 13 puntos, 15 rebounds at tig-dalawang assists at blocks habang si LA Revilla ay naghatid pa ng 11 puntos at 7 boards para sa nanalong koponan.

Nagwakas naman ang limang sunod na pagpapanalo ng five-time defending champion Ateneo sa pangyayari at nalagay sila sa ikaapat na puwesto sa 6-5 baraha.

Bukod sa winning shot ni Teng, napasama rin ang technical foul na itinawag kay Ateneo coach Bo Perasol sa huling isang minuto ng labanan dahil sa kawalan ng tawag ng foul sa pag-drive ni Ryan Buenafe.

Naipasok ni Vosotros ang dalawang free throws at ang winning margin ng laro ay dalawang puntos. Sina Juami Tiongson at Nico Elorde ang nagdala ng laban ng Eagles sa kanilang 14 at 13 puntos.

Nakasalo naman ang University of Santo Tomas sa Ateneo nang kunin ang 79-78 double overtime panalo sa Far Eastern University sa unang laro.

Si Karim Abdul ang sinandalan ng Tigers sa dalawang mahahalagang plays sa ikalawang overtime para palasapin ang Tamaraws ng unang pagkatalo matapos ang apat na overtime games.

May 24 puntos, 12 rebounds at 2 blocks sa 42 minutong paglalaro si Abdul at ang kanyang nakumpletong 3-point play ang bumasag sa  huling tabla ng laro sa 76-all.

Ang ikalawang block naman ni Abdul ay ginawa niya laban kay Mark Belo sa sana’y panablang buslo sa huling limang segundo ng labanan.

Nasa 46 minuto naman ang inilaro ni Aljon Mariano at kinapos siya ng dalawang assist para sa triple-double sa 21 puntos, 11 rebounds at 8 assists habang si Kevin Ferrer ay may 15 puntos at 13 rebounds.

( Photo credit to INS )

Read more...