‘Amatz’ ni Shanti Dope umeksena sa ‘The Falcon and the Winter Soldier’ ng Marvel

MULING pinatunayan ng singer-songwriter na si Shanti Dope na pang-international talaga ang talento ng mga Filipino.

Ito’y matapos ngang bumandera ang controversial song niyang “Amatz” sa isang bonggang proyekto ng Marvel Studios.

Ginamit ang nasabing kanta sa isang episode ng “The Falcon and the Winter Soldier” na pinagbibidahan ng Hollywood stars na sina Anthony Mackie at Sebastian Stan.

Sa kanyang Facebook page, ibinahagi ni Shanti ang screenshot ng music credits ng “The Falcon and the Winter Soldier” kung saan ipinakita ang kanyang kanta. “God is the greatest,” ang caption na isinulat niya rito.

Sabi ng manager ni Shanti Dope na si Thea Gomez Pollisco, noong nakaraang December nila nakausap ang Marvel Studios tungkol sa “Amatz.”

“Isa sa good news Sa mga may Disney + airing today sa Marvel Falcon and Winter Soldier ginamit nila ang Amatz ni Shanti Dope.

“We got an email regarding this last December pa and now its airing na. This is the second international collab inquiry for Shanti Dope, the first one Disney emailed us for Shanti’s collab with Sabrina Carpenter. Now Marvel naman at masaya kami dahil Amatz song pa,” pahayag niya.

Ni-release ni Shanti Dope ang “Amatz” noong 2019 na naging kontrobersyal nga nang ipa-ban ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nais ng ahensiya na ipatigil ang pagpapatugtog nito sa radyo at iba pang platforms dahil sa ilang lyrics nito na nagpo-promote umano ng paggamit ng marijuana.

Depensa naman ng kampo ng singer, pakinggan daw muna sana ang kabuuan ng kanta, “and not just take a few lines out of context.”

“To take apart a song and judge it based on certain lyrics that offend us is unfair to the songwriter; to presume that our reading of a song is the only valid one is offensive to an audience that might be more mature than we think,” ayon pa sa official statement noon ng talent management ni Shanti Dope.

Read more...