TULAD ng karamihan sa mga nanay ngayon, nag-aalala rin ang TV host-comedienne na si Pokwang para sa kinabukasan ng kanyang nga anak.
Alam niyang napakahirap ng buhay ngayon ng mga Filipino nang dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic, lalo pa’t tumataas pa rin araw-araw ang bilang ng mga tinatamaan ng virus.
Ngunit paalala ni Pokwang sa lahat ng mga magulang, hindi ito ang panahon para magpatalo sa pandemya at magpabaya sa ating mga pamilya.
Sa kanyang Instagram account, nagbahagi ng mensahe ang komedyana para sa mga magulang na tulad niya na patuloy na gumawa ng paraan para mapangalagaan ang mental health ng kanilang mga anak.
Paalala niya, mahalagang libangin ang mga bata ngayong panahon ng pandemya kung saan limitado lamang ang kilos ng mga kabataan.
“Gawin natin ang lahat bilang magulang ang libangin sila lalo na sa nangyayari ngayon sa kanilang paligid na hindi pa nila lubos na nauunawaan. Kailangan nila tayo ngayon,” pahayag ni Pokwang.
Sabi ng komedyana at TV host, sa kabila ng pandemya kailangang maipagpatuloy pa rin ang edukasyon ng mga bata.
Bukod sa mga guro, napakalaki ng responsibilidad ngayon ng mga magulang para hindi maantala ang brain at emotional development ng mga estudyante.
“Bilang isang ina masakit sa akin nakikita na lumiit ang kanilang mundo. Pero hindi ako susuko para hindi niya maramdaman na nalimitahan ang kanyang mundo.
“Kahit sa loob man lang ng tahanan, iparamdam natin na marami silang dapat pang ma-explore at matutunan sa pamamagitan ng ating gabay,” pahayag pa ni Pokwang.
* * *
Handog ng GMA Network ang mga espesyal na pelikula para sa Kapuso viewers ngayong Linggo ng Pagkabuhay.
Tunghayan sa Kapuso Movie Festival ang animated film na “The Angry Birds Movie 2” kung saan mapapanood ang kuwento ng bangayan sa pagitan ng mga flightless na ibon at mapanlinlang na green pigs.
Muli namang balikan ang kilig moments sa “Imagine You & Me” na pinagbibidahan nina Asia’s Multimedia Star Alden Richards at actress-comedienne Maine Mendoza sa GMA Blockbusters. Sundan ang istorya ng isang babaeng caregiver sa Italy na makakakilala ng lalaking hindi pa maka-move on mula sa dating relasyon.
Samantala, ipalalabas sa Telesine Presents ang “Romantic Sketches.” Gaganap si G. Toengi bilang si Michele, ang dalagang hopeless romantic na lagi na lang nasasawi sa pag-ibig.
Nais niya at ng kanyang kapatid na makahanap ng lalaking mamahalin. Makikilala ni Michele ang bago niyang ka-opisina na si Randy (Eric Fructuoso) at kalaunan ay maiipit sa isang love triangle kasama ang malapit na kaibigan ni Randy na si Bernard (Jao Mapa).