Nag-sorry ang babaeng opisyal ng Barangay Muzon sa San Jose Del Monte, Bulacan nitong Biyernes kaugnay sa nag-viral na paninita niya sa isang rider na nagdedeliver ng lugaw.
Sa video na naka-post sa Facebook page ng barangay, humingi ng paumanhin sai Pez Raymundo sa Grab rider na si Marvin Ignacio at sa Lugaw Pilipinas kaugnay sa deklarasyon niya na hindi esensyal ang lugaw at ang delivery nito ay paglabag sa panuntunan ng quarantine.
“Sa iyo, Marvin, kung na-offend ka doon sa aking nabanggit, ako ay humihingi ng pahumanhin. Kasama na rin doon ang may ari ng establishment at doon sa mga Grab drivers,” wika ni Raymundo na isang opisyal sa Barangay Muzon.
Noong Miyerkules ng gabi, sinita ng mga opisyal ng Muzon, sa pangunguna ni Raymundo, si Ignacio dahil nagdedeliver pa ng pagkain kahit curfew na.
Kagaya sa Metro Manila, ang lalawigan ng Bulacan ay nakapailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung saan mga esensyal lamang na mga estaslisyemento ang pinahihintulutang mag-operate. Ganundin, may umiiral na curfew sa mga lugar ng ECQ mula 6:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.
Sa pagsita ni Raymundo kay Ignacio, iginiit nito na curfew na at hindi na dapat nananatili sa labas si Ignacio. Ipinaliwanag naman ni Ignacio na rider siya ng Grab at magde-deliver siya ng mga inorder ng lugaw ng isang kliyente.
“Bawal na nga ho e,” ang sabi ni Raymundo sa kumbersasyon nila na sapul sa ginawang Facebook Live ni Ignacio.
Isa-isa ring binasa ni Raymundo ang mga regulasyon na ipinatutupad sa ilalim ng ECQ, hanggang dumako sa pahina ng private establishments at essential goods and services na pinahihintulutan na mag-operate sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced quarantine.
“Essential po ba si lugaw?” ang tanong ni Raymundo kay Ignacio.
“Hindi,” ang sagot niya sa sariling tanong. “Kase mabubuhay ang tao na walang lugaw.”
“Ang essential tubig, gatas, groceries,” pagpapatuloy ng opisyal.
Sabat naman ni Ignacio, “Pagkain po ‘yon, Mam.”
“Hindi nga. E di sana lahat ng pagkain bukas,” wika naman ng babae. “Eto si pulis paliliwanagan kayo ni pulis Sir. Ok? Naiintindihan po?”
Sumang-ayon na lamang si Ignacio dahil sa umano’y takot niya na ma-isyuhan pa ng tiket ng pulis dahil sa “paglabag” sa mga panuntunan ng quarantine.
Samantala, pinasarhan din ng mga lokal na mga opisyal ang Lugaw Pilipinas.
Kaagad namang nag-viral sa social media ang isyu at maging ang Palasyo ng Malakanyang ay nagsalita na kaugnay sa kontrobersiya.
Ayon sa tagapagsalita ng pangulo na si Secretary Harry Roque, ang lugaw ay nasa kategorya ng esensyal na pangangailangan ngayong ECQ.
“Lugaw, or any food item for that matter, is considered an essential good,” ang pahayag ni Roque.
“Delivery of food items must remain unhampered 24/7. Huwag natin harangin sa checkpoints,” dagdag ni Roque.
Dahilan ito para pati sa publiko ay humingi ng despensa si Raymundo.
“Sa mga netizens, alam kong naapektuhan kayo doon sa aking nabanggit. Hindi ko gusto na ma-offend kayo, yun ay hindi intentional. Dahil late na ng madaling araw ‘yun, napagod din siguro ako, nagkamali ako ng pagpili ng salita na hindi akma doon sa aking pinapaliwanag kay Marvin,” wika pa niya.
Sinabi naman ng kapitan ng Barangay Muzon na si Marciano Gatchalian na hindi niya kukunsintihin ang mga pagkakamali ng kanyang mga opisyal.
“Ako po’y naririto upang makapagbigay ng pahayag, paliwanag, at makahingi na rin ng pahumanhin sa ating publiko, są ating kinauukulan, sa mga nakakataas sa ating pamahalaan, lalong-lalo na sa iyo Marvin, muli akong humuhingi ng paumanhin, at sa may-ari na rin ng Lugaw Pilipinas,” wika ni Gatchalian.
“Lagi kong ipinapaalala są kanila na maging magalang, tama ang approach at pakikipag-usap, laging may maximum tolerance,” aniya.
“‘Yan po’y hindi nawawala sa aking briefing upang sa ganun ay hindi mao-offend ang mga taong mapagi-implementahan lalong-lalo na ngayong pandemic at maigting na pag-implement ng curfew,” dagdag pa ni Gatchalian.
Dalawa pang kawani ng barangay ang nagsalita rin sa video para bigyang linaw ang sinasabi ni Ignacio na umano’y harassment.
“Wala kaming intention na sila ay harass-in o masaktan. Ang gusto lang namin ay ibigay yung papel para may kopya sila. Pasensya na Marvin, pati na rin sa may-ari ng Lugaw Pilipinas, pati na rin sa mga netizen na nakapanood nito,” wika ng isa sa kanila.
https://bandera.inquirer.net/281199/curfew-at-ang-kwentong-lumugaw-sa-utak-ng-mga-pilipino