“KAKAYANIN ko ‘to!” Yan ang binitiwang pangako ni Gigo de Guzman sa kanyang yumaong ina na si Claire dela Fuente.
Ayon kay Gigo, bagama’t grabe ang sakit na nararamdaman niya sa biglang pagkawala ng ina, feeling niya ay inihanda na siya ng tadhana para sa tagpong ito.
Parehong nagpositibo sa COVID-19 ang mag-ina kaya magkalayo sila nang pumanaw si Claire dahil ilang aras na nga itong naka-confine sa ospital hanggang sa ma-cardiac arrest.
Aniya, nasa ikapitong araw na siya ng pagse-self quarantine nang mamaalam ang kanyang nanay.
Sabi ni Gigo, ang pinakamasakit pa nito ay hindi man lang niya nakasama ang OPM legend sa mga huling oras nito sa mundo, “I could not be beside her in the hospital.”
“Pero kakayanin ko ito. My mom and my late father who passed a decade ago prepared me for this,” pahayag niya sa panayam ng ABS-CBN.
Kuwento ni Gigo, may mga sintomas na ng COVID-19 ang veteran singer noong nakaraang linggo, “Thursday last week she already had symptoms.
“She was monitored for three to four days at the hospital’s waiting tent area and transferred to Pope John Paul II hospital yesterday (March 29),” lahad pa ng anak ng beteranang singer at tinaguriang Jukebox Queen.
Nang malaman na nga ni Claire ang confirmatory test result, nagsimula na itong ma-stress, idagdag pa ang pagkakaraoon nito ng diabetes at hypertension.
Sabi ni Gigo, “I told her you’re overthinking kasi. But it got the best of her plus the fact that she had diabetes and hypertension. Her oxygen level was constantly low and in her sleep, her heart stopped.”
Ang suspetsa ni Gigo, nakuha nila ang virus sa kanilang kasambahay.
Unang nakilala si Claire o Clarita Crisostomo dela Fuente sa tunay na buhay, noong dekada ‘70 dahil sa classic hit niyang “Sayang.” At hindi nagtagal kinilala na siya sa music industry bilang Jukebox Queen at binansagang “Karen Carpenter of the Philippines.”
Samantala, ikinagulat din ng isa pang Jukebox Queen ng bansa na si Eva Eugenio ang biglang pagpanaw ng kanyang kaibigan.
Kasabayan ni Eva ang yumaong singer noong 1970s at ilang beses na rin silang nag-back-to-back sa mga concert noon kasama ang isa pa nilang kaibigan na si Imelda Papin.
“I will truly miss you, my dear friend. I will miss all our chikahan, laitan, tawanan at kantahan.
“Thank you for being a good friend, and a good godmother to my daughter. Rest in peace kumare,” ang mensahe ni Eva para kay Claire na ipinost niya sa social media.
Aniya pa, “Jukebox Queens will not be complete without (you).”
Shocked din si Imelda Papin sa nangyari, “Unexpected ito talaga. Siya pa na pinakamalakas ang loob sa aming tatlo, matapang at parang kayang kaya niya lahat.”
Diin pa niya, napakabait na tao ni Claire, “And yet siya pa ang tinamaan ng COVID. Hindi ko na alam kung ano ang pinapakita ng Diyos dahil kahit sino tatamaman ng COVID. Mabait siyang kaibigan, mami-miss ko siya — sobra!”