IPINASILIP ni Andi Eigenmann sa kanyang mga social media followers ang buhay niya ngayon at ng kanyang pamilya sa isla ng Siargao.
Malapit nang matapos ang construction ng bago nilang bahay ng kanyang fiancé na si Philmar Alipayo sa nasabing probinsya kaya super excited na sila sa kalalabasan nito.
Bumalik ng Siargao ang pamilya ni Andi ilang araw matapos ipanganak sa Manila ang bunso nilang si Baby Koa. Inabutan kasi sila ng lockdown kaya hindi nakabalik agad sa isla.
Sa bago niyang vlog, ipinakita ni Andi sa netizens ang magiging playroom at homeschool room ng mga anak. Nangako siya na gagawa uli siya ng house tour kapag kumpleto at maayos na ang lahat.
“We might be able to give you a tour of this room soon. Kasi I’m fixing it up pa. It’s not yet done, but complete na ‘yung gamit.
“Nagbi-build pa kami. Kaya hindi pa kami pwedeng mag-tour,” paliwanag pa ng anak ni Jaclyn Jose.
Sa ngayon, gagamitin daw muna nila bilang private residence ang nasabing bahay pero kalaunan ay balak din nila itong gawing bed and breakfast para sa mga turistang dadalaw sa Siargao.
“Magiging breakfast and bed nga siya eventually pero sa ngayon, titirhan muna namin siya. Private residence muna siya ngayon. Isang room lang ino-occupy namin.
“Papagandahin namin ‘yung aming backyard. That’s our summer activity,” aniya pa.
* * *
Wagi ang ABS-CBN ng Philippine Quill Award para sa pagtugon nito sa COVID-19 sa pamamagitan ng paghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng quarantine, pagbibigay kaalaman sa publiko tungkol sa pandemya, at pagpapalabas ng mga programang may dalang inspirasyon para sa mga manonood.
Mahigit 900,000 na pamilya ang nakatanggap ng tulong sa pamamagitan ng “Pantawid ng Pag-ibig” ng ABS-CBN Foundation Inc. sa loob ng anim na buwan mula noong inilunsad ito noong Marso 2020 kasama ang iba’t ibang partner organizations at mga lokal na pamahalaan.
Patuloy pa rin ang proyekto na ito na tinatawag ngayon na “Pilipino Para sa Pilipino.” Namulat din ang taumbayan tungkol sa COVID-19 gamit ang TV, radyo, at online sa tulong ng Kapamilya personalities sa “Ligtas Pilipinas sa COVID-19” information drive at sa malawakang pagbabalita ng mga mensahe at direktiba ng gobyerno sa publiko tulad ng health protocols.
Binalik naman ng ABS-CBN ang mga programang nagbigay aral, inspirasyon, at entertainment para mapawi ang mga pag-aalala ng mga Pilipino.
Nagbigay din ng libreng access sa 1,000 na mga pelikula sa iWant at naglunsad ng bagong mga palabas online habang tinitiyak ang kapakanan ng Kapamilya stars at empleyado.
Samantala, nanalo rin ng Philippine Quill Award ang “KapamilYammer” na ginagamit ng kumpanya para sa komunikasyon sa mga empleyado gaya ng mga mahahalagang update at impormasyon lalo na noong panahon ng quarantine.