Janine atat na atat nang manood sa sinehan; JC magta-travel abroad pagkatapos ng lockdown

NANG i-anunsyo na magbubukas na ang mga sinehan nitong unang linggo ng Marso, 2021 ay marami talaga ang natuwa.

Marami na ang nagplano kung anu-anong mga pelikula ang panonoorin nila lalo na sa local movies dahil maraming hindi naipalabas sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Isa na ang pelikulang “Dito at Doon” nina Janine Gutierrez, Yesh Burce, Victor Anastacio at JC Santos mula sa direksyon ni JP Habac handog ng TBA Studios with WASD Films na pag-aari ni Paulo Avelino.

Kinunan ito noong kasagsagan ng lockdown at heto’t hindi pa rin maipalabas dahil sa season 2 ng enhanced community quarantine o ECQ.

Kaya sa virtual mediacon ng “Dito at Doon” kagabi ay natanong ang cast members kung ano ang gagawin nila pagkatapos ng lockdown.

“Ako dadalawin ko ang family ko sa bahay nang matagal. Ang parents ko ay doktor din pati si kuya kaya nalalaman talaga nila ‘yung first hand na epekto ng pandemya kaya extra careful talaga.

“Unlike sa movie, na hindi ko naman sinasabi na mahirap magpalaki ng magulang thankfully pero ‘yun talaga ang nilu-look forward ko, gusto ko nang umuwi,” sabi ni Victor.

Say naman ni JC, “Matagal na kasi naming plano ng wife ko na lumabas ng bansa. ‘Yun talaga ang gusto namin, mag-travel. So, I think lalo na ngayon kasi laging nasa bahay sila ng baby kaya gusto sana naming mag-travel pagkatapos ng lahat ng ito. Gusto naming pumunta kung saan-saan, ma-explore man lang ‘yung mundo ulit.”

“Ako, gusto kong manood ng sine talaga katulad ng ni Direk JP, I was really looking forward to watching inside a theater kasi siyempre iba pa rin ‘yung experience di ba?

“But you know kailangan nating mag-adjust kung ano ang pinakaligtas sa atin lahat ngayon pero once na ano (wala ng lockdown) ‘yun talaga, inggit ako sa ibang bansa na nakakanood na ulit sa sinehan,” pahayag naman ni Janine.

Hindi naman agad nakasagot si Yesh dahil nag-brown out sa kanila at nawala siya pansamantala sa mediacon.

Samantala, mahigit isang taon ng nakakulong sa kani-kanilang bahay ang ilan sa mga kababayan natin dahil takot silang lumabas at talagang sumusunod sila sa batas.

Dito na nagsisimulang makaramdam ng boredom ang karamihan sa atin kaya hiningan ang cast kung ano ang mensahe nila sa mga nawawalan na ng pag-asa dahil sa sitwasyon.

Sabi ni direk JP, “Actually nu’ng nag-start ‘yung lockdown last year naglutu-luto ako ng kung anu-ano tapos ini-Instagram stories ko lang para pampawala ng boredom kasi akala ko one month lang tapos naging two months, tapos one year na.

“Kung boredom lang ang kalaban ninyo in this pandemic suwerte pa kayo kasi marami sa mga kababayan natin ‘yung talagang hindi boredom ang kalaban kundi gutom, kawalan ng trabaho.

“Siguro ang puwede nilang gawin kung bored na sila, do something na worthwhile, do something na may purpose para ma-feel n’yo na, ‘uy meron akong nagagawa in the middle of this hullaballo,” sabi pa ng direktor.

“Malaking bagay talaga ang internet at sobrang suwerte natin na nangyayari ito puwede tayong mag video call, mag group chat, ‘yung mga online seller.

“Think long term na lang kasi kapag na-bore ka, mahirap kaya be optimistic about the future in two years, five years, 10 years and connect with family and friends and continue support the lockdown foods, support each other. Salamat sa internet kasi puwede tayong aka-stream ng movies,” say ni Victor.

Ayon naman kay Yesh, “Siguro panay ako TikTok, ‘yun talaga ang ginagawa ko, nanonood ako ng video. Tapos lumilipat akong bahay, kung saan-saan pumupunta (kapitbahay).

“‘Yun ang mga ginagawa ko bukod sa kausapin ang friends madalas kami mag-e-numan. ‘Yun ang madalas kong ginagawa pag bored na bored na kami, sakto talaga na gustong mag e-numan or zoom set up,” sabi pa ng dalaga.

Para kay JC, “Boredom parang bad day! Temporary lang, it’s not a bad life, it’s a bad day. Lagi kong nire-remind ang sarili kong huminga para hindi ako mag-isip. Tapos gumagawa ako ng paraan, I work out, I do something na mawawalan ka ng choice kundi huminga.”

“Agree ako kay direk JP, kung bored ka bili ka ng ticket ng Dito at Doon, isama mo ‘yung mga kasama mo sa bahay at manood kayo,” sabi naman ni Janine.

Nagdurugo naman ang puso ng TBA Vice President at producer na si Daphne Chiu sa mga taong walang masyadong pribilehiyo dahil sa kahirapan ng buhay.

Aniya, “Mahirap talaga, not everybody has enough space in their house or inside the home na you can walk around or at least man lang.  My heart goes to those who have been living their families who also sacrificing for them.  Kailangan nilang air to breath.

“Sa bored, it’s very hard ang dami na nating avenues nan a-explore, we watch movies online, friends online, we do E-numans online.

“Take your chance siguro, once in a while go to the grocery just to be able to step out, just to get the feel of the outside world and of course be safe and it’s very touchy for me that feeling not everybody has the same kasuwertehan sa atin na we have space at home, so my heart goes for them.

“I just really wish and pray that everything is controlled nearly going back to normal and we can end this together,” aniya pa.

Samantala, mapapanood na ang “Dito at Doon” sa March 31 sa mga sumusunod na platforms KTX.ph (https://www.ktx.ph/), Cinema ’76 @ Home ( https://cinema76fs.eventive.org/welcome ), iWant TFC (https://tfc.tv/), Upstream (https://upstream.ph/) at Ticket2Me (https://ticket2me.net/).

Read more...