ECQ na naman! Akala ko ba excellent tayo.
Nilagay sa Enhanced Community Quarantine o ECQ Season 2, ang buong Metro Manila kasama ang Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan provinces mula March 29 hanggang April 4 matapos sumipa ang bilang ng COVID-19 infected person o magkaroon ng “sudden surge.” Inaasahan na palalawigin pa ang ECQ sa mga lugar na ito na aabot hanggang April 11 o katapusan ng April kung hindi bababa ang bilang ng may sakit.
Bakit ba agaran sumipa ang bilang ng COVID-19 infected person?
Ayon sa Malacañang, Department of Health (DOH), at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), ang biglaang pagkalat ng sakit ay dulot ng mga bagong COVID-19 variants, gaya ng United Kingdom (UK), Brazil at South African variants pati na ng Philippine variant o mas kakilala sa tawag na P3 variant.
Katulad ng una nating pananaw, maaaring napigilan ang mabilisang pagtaas at pagdami ng COVID-19 infected person na nagaganap ngayon kung ang ating pamahalaan ay kumilos lang sana ng mabilis at tama bago naganap ang “sudden surge.” Inaasahan o anticipated na ang pagtaas ng COVID-19 dahil sa mga bagong variants pero tila walang ginawang sapat na hakbang ang pamahalaan upang mapigilan o maibsan man lang ang pagdami nito.
Ang DOH, at lalo na ang IATF, ang may mandato at obligasyon na gumawa ng mga patakaran (policy) upang labanan at sugpuin ang pagdami ng COVID-19 pero hindi nagampanan ng mga ahensyang ito ang kanilang mga tungkulin.
Sapat na siguro ang isang taon para tanggapin ng Pangulo na bigo ang DOH at IATF. Panahon na para sa Pangulo na palitan ang mga namumuno sa DOH at IATF. Maglagay ng mga taong may sapat na dunong, aral at karanasan sa ganitong klaseng crisis. Mga taong may bagong diskarte kung papaano lalabanan ang pandemyang ito. Mga taong may bagong pananaw, pagtingin at direksyon. Mga taong masasabing visionary leaders para labanan ang nakikitang hinaharap o anticipated na problemang darating tungkol sa pandemyang COVID-19 gaya ng nangyaring sudden surge ngayon. Lalo na, maglagay ng taong may mga integridad na paniniwalaan ng tao.
Hindi maitatanggi na sa boung Southeast Asian countries, tayo lang ang dumadanas ngayon ng sudden surge ng COVID-19 bagamat ang ating mga karatig bansa ay nagkaroon din ng mga ibang variants. Ito ba ay dahil nakontrol nila ng mabilis at tama ang pagdami nito sa pamamagitan ng mga tamang programa at patakaran? Kung nagawa nilang pigilan ang sudden surge, bakit hindi natin nagawa ito? “Something is very wrong with our policies and with our leaders”, sabi nga ng iba.
Ang ECQ Season 2 ay magandang tugon upang pigilan ang tuloy tuloy na pagdami ng may COVID-19 ngunit hindi naman ito maganda sa ating lumalalang palubog na ekonomiya. Apektado ang mga malalaki at maliit na negosyante, mga self-employed at lalo na ang mga ordinaryong manggagawang isang kahig, isang tuka. Ang pangakong ayudang P1,000 (“in kind”)na ipamimigay ng pamahalaan ay hindi sapat lalo na’t kung magtatagal pa ang ECQ Season 2. Mas maganda na rin siguro na ibigay na lang “in cash” yung P1,000 sa tao imbes na “in kind” na maaari pang pagmulan ng gulo dahil sa isyung corruption. Kailan magpairal ng mga bagong patakaran ang pamahalaan para financial na matulungan ang mga mahihirap sa mga ganitong sitwasyon.
Panahon na upang gumamit ng bagong pamamaraan at diskarte (strategy) ang pamahalaan upang labanan ang pandemyang ito. Panahon na para ipakita ng pamahalaan na tama at talagang “excellent” ang performance nito. Ika nga ng isang senador “ ilabas nyo na ang galing nyo”
Ang bagong kautusan ng Pangulo na maaari ng kumuha at bumili ang mga private sectors ng vaccines ay isang magandang hakbang para malabanan ang COVID-19. Katulad ng karamihan, tayo ay matagal ng nagtatanong kung bakit ba hindi pwedeng kumaha at bumili ang private sectors ng vaccines. Pero sana noon pa ito ginawa at baka nakatulong pa ito ng malaki sa ating dinadanas na suliranin sa sudden surge ng COVID-19. Baka huli na sa mga private sectors na gawin ito dahil marami ng naunang namili o nakapila sa pagbili.
Bakit ba kasi kailangan lumala pa ang sitwasyon bago kumilos ang Pangulo? Bakit ba kasi kailangan magkaroon muna ng sudden surge ng may COVID-19 bago ginawa ito ng Pangulo? Ito ay isang pagkakamali na nagdulot ng malaking epekto sa ating hinaharap na COVID -19 crisis.