Sarah buwis-buhay sa ‘Tala’ concert: Isang maling galaw pwede siyang mabalian ng buto

KUNG walang COVID-19 pandemic tiyak na umaapaw ang Smart Araneta Coliseum at maririnig ang walang humpay na hiyawan at padyak ng mga nanood ng “Tala: The Film Concert” ni Sarah Geronimo-Guidicelli kagabi.

Kaso nga may pandemya pa rin kaya sa KTX.ph at iWantTFC napanood ang concert ni Sarah at aminado kaming na-miss naming sumisigaw habang pumapalakpak kami sa loob ng Araneta coliseum habang kumakain ng burger o french fries at umiinom ng iced tea.

Na-miss namin ang mga celebrity na pina-flash sa big screen bago magsimula ang show at iba pang behind the scenes o BTS.

Anyway, nagustuhan namin ang pinaghirapang show ni Sarah na ibang-iba sa mga nakaraan niyang concert lalo na ang mga damit na ginamit niya.

Hindi tulad dati na iba’t ibang klaseng istilo ng nagkikintabang gown ang suot niya, sabi nga ng designer niyang si Bang Pineda gawing foreign ang dating.

Nabago rin ang repertoire ng Popstar Royalty dahil more on danceable ang music hindi katulad dati na puro emote-emote at tili nang tili.

Gusto namin ang production number niyang “Dynamite” ng K-Pop group na BTS at ang “Ikot-Ikot” na literal siyang umiikot na akala mo’y ang daling gawin pero nang ipakita ang rehearsal ay talagang buwis buhay siya rito.

Feeling namin, isang pagkakamali lang niya sa kanyang galaw, malamang ay mabalian siya o kaya baka puro pasa at bukol ang abutin niya.

Kuwento nga ni Sarah, “Challenging siya kasi dapat well-rehearsed bawat movements. Hindi mo puwedeng labanan ‘yung galaw nu’ng set.

“Kailangan magmuka siyang effortless, dinadala ka lang ng paggalaw nu’ng set.

“The more I did it mas nagiging okay, mas nagiging comfortable, mas nagiging easier for me. Nakaka-amaze at exciting. I hope magustuhan nila ito,” ani Sarah.

Isa si Matteo Guidicelli sa naging special guest niya na kumanta ng “If You’re Not the One” na parang naiba ang timbre ng boses dahil masyadong matinis dahil iba naman nu’ng nag-duet sila ni Sarah sa awiting “Best Part of Me.”

Cute ang production number ni Sarah kasama ang fur baby niyang si 04 kung saan kinanta niya ang “Your Universe” na orihinal ni Rico Blanco. Ito para sa amin ang best part ng show.

At siyempre, sa huling part ng show niya kinanta ang “Tala” kung saan may mga binago siyang steps pero maganda pa rin at malamang kung nasa Araneta Coliseum kami, tiyak magtatayuan ang tao para sabayan siyang sumayaw.

Kudos sa production team ng “Tala”, napakaganda ng stage design at lighting.

Sana sa next concert ni Sarah, wala nang COVID-19.

Read more...