Sa katatapos na virtual mediacon ng “Kung Pwede Lang” ay natanong si Rosanna Roces kung sakaling gagawing pelikula ang buhay niya ay sino ang gusto nitong gumanap at ano ang titulo.
“Wala, hindi ko gustong gawing movie ang buhay ko, ha, haha. Walang kabutihang mapupulot.
“Nagawa ko na ‘yan sa TV5 (Untold Stories of Rosanna Roces Minsan May Babaeng Palaban – Face to Face 2010), ‘yung ibang parts nagawa na sa 7 (Rosanna Roces, magpapakasal sa kapwa babae – 2016) at si Korina (Sanchez). Mas gusto ko siguro book kaysa movie. Hindi ko pa alam kung anong title,” sabi ni Osang.
Samantala, inamin ng aktres na gusto niyang magka-anak sila ng partner niyang si Blessy base sa dinugtungan niyang Kung Pwede Lang.
“Kung Pwede Lang magkaanak kami ni Blessy,” tumawang sabi ng aktres.
At dahil alam namang hindi talaga puwede, naisip bang mag-ampon na lang sila.
“Pinag-usapan namin kamakailan lang, sabi ko wala ka bang balak mag-adopt halimbawang na-establish ko na ang buhay natin maayos na may ipon na at puwedeng hindi na mag-trabaho.
“Sabi niya, ‘yoko. Hintayin mo na lang ‘yung magiging apo mo ulit kay Onyok’ sabi niya, ha, haha. Tinatamad na raw siyang mag-alaga, pero kung anak ni Onyok, bakit hindi. Nakaka-miss kasing may baby di ba?”pahayag ni Osang.
Anyway, ang pelikula ay tungkol sa pamilya Panting, isang pamilyang punung-puno ng buhay lalo na si Precious (Carlyn Ocampo), ang middle child, breadwinner at Yes Girl na masyadong mabait at hindi kayang tumanggi sa kahit anong hilingin sa kanya ng kanyang pamilya. Pero hanggang kailan niya kayang magbigay at magtrabaho para sa kanyang pamilya? Hanggang kelan niya kukumbinsihin ang kanyang sarili na ok siya?
Ang nanay naman ni Precious ay si Princess (Rosanna), ang problemadong ina; si Paquito (Dennis Padilla), ang tatay na mahilig sa sabong; si Lola Baby (Dexter Doria), ang lolang mainitin ang ulo; si Prince (Bob Jbeili), ang panganay na walang trabaho; at si Penelope (Loren Mariñas), ang bunsong kapatid.
Lahat sila may kanya-kanyang problema at iba’t-ibang hanash sa buhay tungkol sa trabaho, pera, jowa at sa buhay in general.
Sa 8-episode series, malalaman natin ang mga hassle sa buhay ni Precious at ng buong pamilya Panting ay marami ang makaka-relate.
Ang “Kung Pwede Lang” ay mula sa direksyon ni Daryll Yap at eksklusibong mapapanood sa VivaMax simula sa Abril 9.